Abante Tonite Interactive

Tama lang!

0 213

‘Di ko matiis na ‘di maihayag ang aking opinyon hinggil sa pagkakatapik ng Samahang Basketbol ng Pilipinas kay Earl Timothy Cone bilang coach ng national men’s basketball team o ng Gilas Pilipinas, at sa binuo ng American mentor na 15-man pool.

May mga nagdudunung-dunungan, marami rin naman ang tama, may ilan din ang mga ‘di tama sa kanilang mga pahayag.

Na kesyo demosyon daw sa 21-time Philippine Basketball Association champion bench tactician, na may 2-time grand slam achievement, at humawak ng Centennial team na nag-bronze medal sa 1998 Bangkok Asian Games, ang pagnombra ng SBP.

Na overkill daw ang all-professional pool, na paghuhugutan ng 12-man squad para sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games 2019 sa bansa sa darating na Nobyembre 30-Disyembre 11.

Nakapagpaliwanag na rin si Cone sa hakbang niya.

Ayoko po kasing makipagdebate o makipagtalo. Ayokong makasakit ng kalooban ng kapwa ko. At wala namang mabuti kung manalo o matalo ka sa debate lalo’t kundi naman contest ito. Liban na lang kung paligsahan.

Sa aking pananaw, tama lang na si Tim ang humawak sa PH 5.

Maigsi lang ang halos dalawang buwan para maihanda nang wasto ang national quintet. Tama lang na all-pro ang buuin niya dahil malalakas na ang mga kapitbahay natin sa Timog-Silangang Asya bunsod sa may siyam na taong paglalaro nila sa ASEAN Basketball League.

‘Di nga ba’t lahat ginagawa na rin ng ating Asean neighbors para mapatalsik tayo sa trono ng men’s hoop.

Ang Indonesia nga may apat na Indon-Am bukod pa sa kumuha ng naturalized player, si dating PBA Best Import Denzel Bowles. Isang bansa pa lang yan. Paano ang iba pang atat ding masipa tayo sa titulo?

‘Di rin ako naniniwalang demosyon ‘yan kay Cone.

Mabuti na rin ang makasigurado tayo pa rin ang manalo ng gold medal. Kaysa naman sa naroon ka na sa gitna ng digmaan, na kulang ang dala mong bala, paktay ka! Kaya ayos lang kung walang amateur player. Isa pa open basketball na tayo noon pang 1990.

***

Maligayang kaarawan po sa mga kaopisina ko sa Prage Management Corporation-Abante News Group (Abante at Abante TONITE daily newspapers, Abante TNT Online, Abante Web TV, Abante Web Radio, at Celebrity Radar magazine) na mga nagdiwang na at magdiriwang pa lang ng kaarawan sa buwan ng Oktubre.

Sila po ay sina Sportalakan host Sarah Jireh C. Asido at Imelda O. Nabong (Okt. 5), Alvin B. dela Cruz (8), Marilou M. Tadeo (9), Israel T. Santos at Ernesto D. Magsayo (16), Omar Z. Balunsat at JC M. Cahinhinan, (20), Charles D. Carbvajal (23), Mikhil Geroche at Sienna T. Mongcal (24), Jose Randy E. Hagos (25), at Riley C. dela Cruz (29).