Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tamang duda

0 323

Sa tuwing nagpapalit ng Speaker ang Kamara , karaniwang binabaklas din ang ibang opisyal ng kapulungan tulad ng Majority Leader. Ganyan din ang kalakaran sa Senado.

Pero nang magpalit ng liderato ang Kamara noong nakaraang taon, nanatili sa kanyang puwesto si Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez. Binigyan siya ng pagkakataon ng kasalukuyang liderato ng Kamara na maging katuwang sa pagsusulong ng legislative agenda ng administrasyon para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino ngayong panahon ng pandemya.

Pero nitong mga nagdaang araw, may naririnig tayong mga congressman na nagdududa sa loyalty at agenda ng Taclobanon na si Romualdez. Nagtatanong ang iba kung tunay bang susuportahan nito ang reporma sa lehislasyon o status quo ang paiiralin.

Sa mga hindi nakakaalam, malaki ang papel ng isang Majority Leader sa Kamara. Siya ang chairman ng House committee on rules na nagdedesisyon kung anong panukalang batas o resolusyon ang tatalakayin sa plenaryo ng Kamara. Kumbaga, siya ang nagtitimon ng trabaho sa kapulungan.

Ang Leyte congressman ay isa sa naghangad na maging Speaker ng Kamara noong 2019 at kinailangan pang mamagitan ni Pangulong Rodrigo Duterte para maayos ito. Sa huli, nabiyayaan si Romualdez ng magandang puwesto sa Kamara kahit na kung tutuusin ay kapos ang kanyang numero sa minimithing puwesto.

Subalit mukhang sinira niya ang tiwala ng majority coalition na siyang nagdesisyon na manatili siya sa puwesto. Ito ang mga kongresistang naghahanap ng reporma sa Kamara para mapabilis ang pagpapatibay ng mga panukalang batas para sa ikauunlad ng bayan.

Ang balita ko, mukhang hindi sila kuntento ngayon sa kanilang Majority Leader. Hinala nila, dinedelay nito ang pagpasa ng mga panukalang batas na kailangan ng taumbayan ngayong pandemic, tulad ng panukalang magbibigay hanapbuhay sa mga kababayan natin.

Kung mananaig ang sinasabing galaw ng Majority Leader, maaaring madiskaril ang legislative agenda ng administrasyon. Kawawa naman ang bayan.

Malapit na ang summer pero ngayon pa lamang ay marami na sa ating mga kababayan ang nakakaramdam ng sobrang init. Kapag mainit, kalimitang reaksyon mo ay magpalamig o humanap ng ibang puwesto.

Nararamdaman naman siguro ng kinatawan ng Leyte na marami nang mambabatas ang nagdududa sa kanyang trabaho. Malapit na ang Holy Week. Marami ang pupunta sa mga bakasyunan. Ito rin ang panahon ng pagninilay. Isip-isip sir!

Leave A Reply

Your email address will not be published.