Abante Tonite Interactive

Tamang paggamit ng gamot

0 278

May tinatanong ang isa sa ating Facebook followers. Ang kanyang tiyo ay naaksidente sa trabaho, nagkasu­gat sa may paa, nalinis naman daw, at ginagamot sa pamamagitan ng pagbudbod ng antibiotics sa sugat. Tama raw ba ang ginagawa niya? Una sa lahat, ang pinakaimportante, mapa sa trabaho, paaralan, bahay, o kung saan man ay ang pag-iingat dahil hindi talaga natin masasabi kung kailan tayo maaaksidente, kaya ang mas mainam ay iwasan natin ang mga panganib nito. Ngunit kung maaaksidente at masusugatan, inspeksyon ang unang dapat gawin. Tingnan kung ano ang lawak ng naapektuhan. Nadamay ba ang kalamnan, mga ugat o pati buto, kaya ‘di na makagalaw. Tumawag agad ng saklolo at dalhin sa pinakamalapit na klinika o ospital para mabigyan ng nararapat na first aid. Kung sakaling hindi ganoon kalala ang sugat at nakuhang kumilos, kailangan linisin ito ng sabon at umaagos na tubig, huwag ibabad. Takpan ng mali­nis na gasa o tela at saka pa rin ipatingin sa doktor o health worker. Kasama sa konsulta ang pagpapagawa ng mga laboratoryo para malaman kung bumaba ang pagkapula ng dugo, kung may impeksyon, at ang asukal sa dugo na makakaapekto sa paghilom ng sugat, pati na rin X-rays kung naghihinalang nadamay ang buto.

Maliban sa paglinis ng sugat nang maayos, maaaring bigyan kayo ng mga gamot, para sa pamamaga, kirot, antibiotics, bitamina, pati na bakuna laban sa tetano. Ang pamamaraan ng pagbigay ng mga gamot ay iba-iba. Maaaring ito ay inumin, iiniksyon, o ipahid sa sugat mismo. Ngunit hindi puwedeng pagbalibaligtarin. Ang iniinom na gamot, lalong-lalo na ang antibiotics, ay nangangaila­ngang mag-metabolize sa ating tiyan at bituka nang ma-absorb ang mga sangkap nito, malipat sa dugo na siyang magdadala ng bisa ng gamot kung saan kailangan. Nangangahulugang hindi ito magkakabisa kung ito ay ila­lagay sa ibabaw ng sugat dahil hindi ito ang mechanism of action ng gamot.

Masaklap, maaari pang maging hadlang sa paggaling ng sugat dahil lumalabas na parang kalat pa ito sa apektadong lugar at bumagal pa ang paggaling nito.

Inumin nang tama ang gamot sa tamang pamamaraan sa sapat na araw na inireseta ito upang ma-maximize ang epek­to, matanggal ang posibilidad ng resistance, at mabilis gumaling ang sugat. Gawing regular ang paglinis ng sugat ayon sa turo ng inyong doktor o health worker. Kaakibat ang sapat na pahinga para makakabalik agad sa naiwang trabaho. Hi­git sa lahat, gawing safe ang paligid natin na dinadaluyan, mapa sa trabaho, paaralan, o bahay.

Hanggang sa susunod na Huwebes.

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.