Abante Tonite Interactive

Tamang pagkakakilanlan ng mga Kristiyano

385

Isiniwalat ni Hesus sa Ebanghelyo (Jn 13: 31-33a, 34-35) ngayong Ika-5 Linggo ng Panahon ng Pasko ng Pagkabuhay ang tatak ng tunay na Kristiyano.

Sa huling hapunan habilin ng Panginoon sa Kanyang mga alagad: “Sandali na lamang n’yo akong makakasama. Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa Inyo: magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. Sa ganito makikilala ng lahat na mga alagad ko kayo, kung may pagmamahalan kayo sa isa’t isa.”

Giit ng Simbahan, napakahalaga ng pagkakakilanlan ng isang tao sapagkat ito ang nagbibigay sa kanya ng lakas, tatag at katiyakan sa buhay. Mainam na alamin at kilalanin muna daw nang husto kung ‘sino’ at ‘ano’ tayo bilang mga alagad upang maging malinaw ang direksiyon na ating tinatahak. Kaya naman, sa Ebanghelyo iginuhit ni Hesus ang ‘marka’ ng tunay niyang mga disipulo – ang pagmamahal o malasakit sa isa’t isa!

Turo ng Iglesya, “People are usually classified by the color of their skin, the badge they wear, the language they speak, or the flag they follow, or any other external signs. Real Christians are recognized by the way they live, and especially by the way they love. Everything in them should be ‘Christ-like’. Nothing less will do. Nothing can make up for the lack of it!”

Noong gabing itinatag ng Panginoon ang Sakramento ng kanyang Pag-ibig, iniatas niya ang bago, huli at kaisa-isang `testamento’ sa mga alagad. Saad ng Simbahan, “We are called by Christ, our Master to become channels of His love to others. And this is the perennial challenge to all Christians of all ages, culture and time to live by faith in God’s transforming grace so that we may love one another with a love which reflects His love for us.”
Tunay na malasakit sa isa’t isa ang susi ng pagsasabuhay ng mando ni Kristo sa atin – bagay na kulang na kulang ang Iglesya ngayong panahon.

Napakadaling sambitin na mahal natin ang Iglesya at mga kapatid nating bububuo sa Katawan ni Kristo ngunit kadalasan ay salat tayo sa ‘gawa’ o pagpapamalas ng malasakit! Ang pananahimik, pagbubulag-bulagan at pagbibingi-bingihan ng Simbahan sa kalagayan at suliranin ng ating mga kapatid sa pananampalataya ay maituturing na pagwawalang-halaga sa utos ni Kristo.

Sadyang napakarami tayong dapat baguhin sa ating pananaw sa pagiging Kristiyano ngayong Makabagong Panahon. Marahil dapat natin ituwid ang ating mga maling akala una sa lahat ang paniniwala na sapat na ang binyag at maging miyembro ng isang samahang pangsimbahan. Wala rin tayong dapat ipagmalaki makatapos man tayo sa isang Katolikong unibersidad o may kaibigan at kakilalang obispo, pari o madre. Hindi kasi lahat ng Katoliko ay Kristiyano!

Sa huli, buo pa rin ang loob at pag-asa ng Simbahan sa mga binyagan – na kung sila ay kakausapin at tuturuan nang maigi (higit sa lahat sa magandang halimbawa ng pamunuan ng Iglesya) ukol sa pagiging Kristiyano sa pahanon ngayon, siguradong makikinig at magbabago ang lahat. Sadyang napakalaking hamon sa Simbahan ang imulat ang tanan sa pag-ibig ni HesuKristo. Noon at ngayon, turo sa atin pagmamahal sa isa’t isa pa rin ang tunay na tatak ng pagiging Kristiyano.