Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tambalang Duterte at Yang

0 117

Isang kakatwa at pambihirang palabas ang ating nasasaksihan kaugnay ng imbestigasyon na isinasagawa ng Senate Blue Ribbon Committee sa mga kwestyonableng bilyon-pisong kontrata ng Department of Health at Department of Budget and Management Procurement Service para sa pagbili ng Personal Protective Equipment at iba pang mahalagang kagamitan na essential sa pagtugon ng gobyerno sa pandemya ng COVID-19. Walang iba kundi ang Pangulo ng Republika, si Rodrigo Duterte, ang nagtalaga ng kanyang sarili bilang numero unong tagapagtanggol at abogado sa korte ng opinyong publiko ni Michael Yang, ang kontrobersyal na Chinese businessman na nasa sentro ng naturang imbestigasyon.

Sa mga nakaraang araw, at sa iba’t ibang pagkakataon, pinagtatanggol ni Duterte si Yang at tila pinangungunahan na ang Senado sa pagbigay ng abswelto: “Wala naman si Michael Yang. … Walang record ‘yan. Hindi kriminal ‘yan.”

“He is known to me,” aniya. Tunay nga, mahaba na ang pinagsamahan ng dalawa. Unang nakilala raw ni Duterte si Yang noong 1999, nang mayor pa siya ng Davao City at nais magnegosyo ni Yang sa lungsod (bilang tagabenta ng murang mga cell phone). Sinuportahan umano ni Yang ang presidential campaign ni Duterte. Naging viral sa social media ang video clip ng pagpapakilala ni Yang kay Duterte sa mga opisyal ng Pharmally International Holding Co., Ltd., na direktang nakaugnay sa Pharmally Pharmaceutical. Naganap ito sa Panabo City noong 2017. Tinalaga ni Duterte si Yang bilang kanyang Special Economic Adviser noong 2018. Hindi nagpatuloy si Yang sa puwestong ito matapos ilabas noong 2019 ni Eduardo Acierto, isang dating anti-drugs operative ng Philippine National Police, ang mga intelligence report na nagsasangkot kay Yang sa ilegal na droga. Sa pinakahuling “Talk to the People” ni Duterte, ginugol niya ang mahabang panahon sa pag-abswelto kay Yang sa anumang ugnayan sa droga.

Sa kabila ng masigasig na pag-aabogado ni Duterte, nalalantad sa imbestigasyon ng Senado ang kaduda-dudang papel ni Yang sa mga kaduda-dudang transaksyon ng Pharmally. Matapos niyang sabihing magkakilala lamang sila ni Pharmally director Lincoln Ong ngunit wala siyang ginawa upang tulungan ang kumpanya kaugnay sa kontrata nito mula sa DBM-PS, tinuro ni Ong si Yang bilang pinagmulan ng milyon-milyong pisong pondo para mabayaran ang supplier nila ng PPE sa China. Kung gayon, nagsinungaling si Yang. Lumilitaw na front o dummy lamang niya ang Pharmally. At kailangan niyang ipaliwanag kung saan nanggaling ang kanyang pondo. Sa partikular, kailangang ipakita niya na ligal at malinis ito at hindi nagmula sa mga gawaing ilegal o kriminal.

Ngunit higit sa lahat, isang bagay ang maaari nang panghawakan. Ginamit ni Duterte ang kanyang emergency power sa bisa ng Bayanihan law upang igawad, nang walang public bidding, ang mga kontratang nagkakahalagang mahigit P8.9 bilyon sa kanyang malapit na kaibigan, ang Chinese national na si Michael Yang, sa pamamagitan ng front o dummy corporation na nagngangalang Pharmally Pharmaceutical, isang kompanyang walang sariling kapital at walang track record, upang kumita nang limpak-limpak habang nagdurusa ang mamamayang Pilipino sa kalagitnaan ng pandemya.

Leave A Reply

Your email address will not be published.