Tambay sinita sa curfew, 3 tanod sinabuyan ng asido

754

Paso sa mga braso ang tinamo ng tatlong barangay tanod makaraang sabuyan sila ng asido ng isang lalaking tambay na kanilang sinita dahil sa paglabag sa ipinatutupad na curfew kaugnay ng enhanced community quarantine sa Makati City kamakalawa ng gabi.

Agad naman nipalatan ng lunas sa Ospital ng Makati ang mga biktima na sina Manuel De, Eugenio Umayam Jr., at Hepolito Espinosa Jr., mga tanod sa Brgy. Cembo.

Arestado at kasalukuyan nang nakakukong ang suspek na si Charles Galicia alyas `Gian’, 41-anyos, walang trabaho at nakatira sa nasabing barangay.

Batay sa ulat ng Makati City Police, dakong alas-11:55 ng gabi habang nagpapatrolya ang tatlong biktima sa nasabing lugar nang mapansin si Galicia na pagala-gala.

Sinita nila ito at pinauwi pero patuloy na naglakad lamang ang suspek hanggang pigilan na nila ito.

Dito isinaboy ng suspek ang dala-dala niyang muriatic acid sa mga tanod na nagawang makaiwas ngunit tinamaan pa rin sila sa braso sanhi para magtamo ng paso at bahagyang masira ang kanilang mga uniporme.

Pinagtulungan na ng mga tanod na arestuhin ang suspek na agad nilang dinala sa Makati Police Sub-Station 8.

Matapos imbestigahan ang suspek ay inilipat ito sa Station Investigation and Detective Management Section na upang sampahan ng mga kasong direct assault, disobedience upon persons in authority, at paglabag sa Executive Order No. 10 kaugnay ng enhanced community quarantine.(Armida Rico)

Tonite – Wendys Inhouse Ad
Comments
Loading...