Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tameme ang China sa Amerika

0 1,206

Sa dami ng malalaking pangyayari sa mundo mga tropapips (pati sa Pilipinas) nitong nagdaang unang anim na buwan ng 2020, ano pa nga ba ang posibleng sakit ng ulo na puwedeng mangyari sa susunod na anim na buwan? Hirit ng ilan nating kurimaw—giyera kaya na sangkot ang China?

Kasi naman, nitong mga nagdaang mga buwan eh patuloy pa rin ang pambabarako ng China, hindi lang sa mga bansang kaagaw [o inaagawan nila ng teritoryo] sa South China Sea (o West Philippines Sea), kung hindi maging sa bansang India na karibal nila sa border sa Himalayas, at panggigipit pa rin sa mga mamamayan ng Hong Kong, at ang itinuturing nilang “rebel province” na Taiwan.

Kontrabidang-kontrabida ngayon sa paningin ng mundo ang komunistang China [hindi lang dahil sa COVID-19] kung hindi maging sa ipinasa nilang National Security law na sinasabing panikil sa kalayaan ng mga tao sa teritoryo nilang Hong Kong na pro-democracy. Para sa hindi pa nakakaalam, dating sinakop ng Britanya ang Hong Kong sa loob ng mahigit 100 taon at ibinalik lang nila sa China noong 1997.

Sa tagal ng panahon na sakop ng Britanya ang Hong Kong, natural na demokrasya ang pag-iisip ng mga tao roon kaya kasama noon sa kasunduan ng paglilipat ng teritoryo sa China ay bigyan ng awtonomiya ang mga tao mula sa kanilang pamamahala. Pero nitong nakalipas na mga buwan, nakitang ginagamitan na ng kamay na bakal ng China ang mga tao sa Hong Kong.

Ang Taiwan na walang balak na magpasailalim sa China na ilang ulit na ring sinisindak ng komunistang bansa, kaagad na nagpahayag ng suporta sa mga mamamayan ng Hong Kong. Handa raw ang Taiwan na tulungan ang mga taong nais nang umalis sa Hong Kong dahil alam nila kung ano ang maaaring mangyari sa mga taong magpapahayag ng pagsalungat sa komunistang gobyerno.

At habang binabarako ng China ang sarili nilang kalahi na tutol sa sistema nila, aba’y makasagupa naman ng mga sundalong Tsino ang mga sundalong Indiano na nagbabantay nga sa border ng pinagaagawan nilang bahagi sa Himalayas. Ang India, kaagad na inamin na may namatay sa kanilang panig, pero ang China, aasa ka pa ba na aamin silang namatayan sila ng sundalo?

Ang malinaw lang sa sagupuang iyon, aba’y natahimik sa China at walang mga bukadang ginawa o pagbabanta matapos ang insidente, taliwas sa India na naging matatag sa kanilang posisyon.

Tanong tuloy ng kurimaw natin, kung kinompronta kaya ng Pilipinas ang China noong nagsisimula palang silang gumawa ng mga pekeng isla sa West Philippine Sea at nauwi rin sa bakbakan at may mga namatay [maging sa panig ng mga Pinoy], umatras kaya ang China at hindi na itinuloy ang paggawa ng mga isla?

Ngayon naman, kahit pumuporma na ang China na angkinin ang buong South China Sea at kontrolin ang daloy ng mga barkong dadaan doon, tila naghahamon naman ang Amerika na napapadalas ang pagpapadala ng mga barkong pandigma o aircraft carrier. Kung minsan nga raw ay natatanaw pa raw ng mga ito ang mga barko ng China pero tameme naman. Hindi gaya ng ginagawa nila sa mga barko ng Pilipinas na niraradyohan nila at pinapaalis dahil kanila raw ang lugar. Kaya nga hindi na makapangisda roon ang mga kababayan natin.

Bukod sa madalas na paglalayag ng mga barkong pandigma ng US para igiit ang freedom of navigation, madalas na rin na iginigiit ng Amerika na ilegal ang pang-angkin ng China sa buong South China Sea o nine-dash line. Ang isa sa ginagamit na basehan ng Amerika ay ang desisyon ng UN tribunal na pumanig sa reklamo ng Pilipinas na isinampa ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Nagbabala rin ang US ng “lasting and severe consequences” sa China sa sandaling gawin din nilang isla ang Scarborough Shoal (Panatag Shoal) na malapit na malapit lang sa Pilipinas. Kaya naman sa dami ng “inaasar” ng China, isang pagkakamali lang eh malamang na may makakabakbakan sila. At sa dami ng bansa na inis sa kanila dahil sa COVID-19, malamang na may kalagyan sila. Try kaya nila? Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.