Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tanaw-balik: Mga kalamidad na nagpatibay sa mga Pinoy

0 83

Tatak na ng 2020 ang pandemyang dulot ng COVID-19 na nagpadapa sa maraming sektor, sa loob at labas man ng Pilipinas. Gayunman, hindi lang krisis pangkalusugan ang kinaharap ng mga Pilipino ngunit maging mga natural na kalamidad na sumubok sa tatag at bayanihan ng lahat.

*Pagputok ng Bulkang Taal( Enero 12,2020)

Umpisa pa lang ng taon, sinalubong na ang mga Pinoy ng pagputok ng Bulkang Taal noong Enero 12. Tinaas sa Alert Level 4 ang status ng bulkan dahil sa binugang abo at pagragasa ng magma. Nasa 39 katao ang nasawi dahil dito.

*Masbate earthquake (August 18, 2020)

Dalawa ang nasawi at 170 ang sugatan sa 6.6 magnitude quake na tumama sa bayan ng Cataingan sa Masbate noong Agosto 18. Sa lakas nito, naramdaman maging sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas.

*Pinakamalakas na bagyo sa mundo Bagyong ‘Rolly’ (November 1 2020)

Tinaguriang strongest storm sa buong mundo ngayong 2020 ang bagyong ‘Rolly’.

Tumama ito sa bansa noong Nobyembre 1 at nag-iwan ng pagkawasak ng higit 100,000 kabayahan at P11B pagkasira sa imprastraktura at P2.9B sa agrikultura.

Apat na beses nag-landfall ang bagyo at itinaas ang Signal No 5 sa ilang bahagi ng Bicol.

Sa kasagsagan ng bagyong ‘Rolly’ nagkaroon ng pagragasa ng lahar sa bayan ng Guinobatan, Albay. Nasawi dito ang 7 at 150 bahay ang nalubong sa lahar, pero sa kabuuan nasa 25 ang naitalang nasawi sa pananalasa ng bagyo.

*Mala-‘Ondoy’ na ‘Ulysses’

Kasunod lang ng bagyong ‘Rolly’ nanalasa rin ang bagyong ‘Ulysses’ noong Nobyembre. Hinalintulad ang pinsala nito sa bagyong ‘Ondoy’ noong 2009 na nagpabaha sa maraming lugar sa Metro Manila at kalapit na lalawigan.

Nag-iwan ito ng 73 kataong nasawi.

*Malawakang baha sa Cagayan

Tinuring na pinakamalalang pagbaha sa loob ng apat na dekada ang naranasan sa Cagayan ngayong taon.

Ayon kay Cagayan Governor Manuel Mamba, kahit napaghandaan ang pagbaha at nagbigyan naman ng abiso ang mga residente, nabigla pa rin sila sa dami ng tubig na nagpabaha sa lalawigan.

Maraming factor ang sinisi sa pagbaha kabilang na ang pagkakalbo ng kabundukan, paglalabas ng tubig ng dam, volume o dami ng ulan na binagsak ng bagyong ‘Ulysses’, at maging baradong ilog.

*Landslide sa Visayas, Mindanao

Nakapagtala rin ng 9 na nasawi at daan-daang nawalan ng tahanan dahil sa pananalasa naman ng Bagyong ‘Vicky’ sa Visayas at Mindanao.

Ang tuloy tuloy na pag-uulan ang naging dahilan ng pag-apaw ng mga ilog at umabot sa red warning na siyang nagdulot ng malawakang pagbaha at landslide na nagresulta sa pagkasira ng mga bahay sa Leyte, Cebu, Agusan del Sur at Davao de Oro.

Sa kabila ng mga kalamidad na ito, muling napatunayan ang pagtutulungan ng bawat isa upang makabangon. Ilang kwento ng pag-asa ang naibahagi dahil na rin sa natural na pagiging matulungin ng mga Pinoy sa kapwa. (Tina Mendoza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.