Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tanco brokerage binawi lisensiya

0 104

Binawian ng lisensiya ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang Venture Securities ng bilyonaryo at Philippine Stock Exchange (PSE) director Eusebio Tanco dahil sa pagkakasangkot umano nito sa pagbagsak ng 50-anyos brokerage house na R&L Investments ng pamilya Lee, noong Nobyembre 2019.

Pinagmulta rin ng 3-member special hearing panel ng kabuuang P32 milyong multa ang Venture dahil sa madayang paglipat ng P700 milyong halaga ng mga share ng kanilang kliyente na mula sa R&L ay inilagay sa account ng Venture client na si Julieto Sulapas.

Sa desisyon ng SEC na may petsang Hunyo 11, sabit umano sa stock scandal ang Venture at mga opisyal nitong sina Wilfred Racadio, president; associated person Adora Aguilar, salesman Loreto Balabis; at settlement head Teresita Mosenabre.

Ang panel ay binubuo nina chairman Marlon G. Facun at mga miyembrong sina Emma Valencia at Erwin Edward P. Mendinueto.

Sabi pa sa desisyon ng panel, nabigo ang Venture na gawin ang “know-your-client procedures” at iba pang kontrol na mandato ng Republic Act No. 8799 o Securities Regulation Code at ang Implementing Rules and Regulations (IRR) nito.

Kabilang umano dito ang kawalan ng staff member nang magbukas ng account si Sulapas sa Venture noong 2021. Si Marlo Moron, settlement clerk ng R&L, umano ang nagbigay kay Sulapas ng blank form para pirmahan.

Pinayagan umano si Sulapas na magpasok ng transaksiyon sa kabila ng lampas ito sa kanyang kakayahang pinansiyal base sa nakasaad sa customer account information form (CAIF) nito.

Sinasabi rin umano ni Sulapas na wala siyang ibang account sa iba pang dealer kahit batid ni Aguilar na mayroon pa itong account sa R&L.

Pinayagan umano ng Venture si Sulapas na gawing authorized person si Moron para hawakan ang kanyang mga transaksyon sa EQ Trade (broker to broker transfer ng shares) kahit na si Moron din ang settlement clerk ng R&L kung saan nanggagaling ang EQ shares.

Binigyan din umao ng Venture ng credit line si Sulapas na hanggang 40% ng kanyang P44.639 million stock position kahit na ito’y hindi margin account.

Hindi umano ni-liquidate ng Vennture ang shares ni Sulapas kahit na hindi ito nagbayad ng buo sa kanyang binili makalipas ang tatlong araw na trade.

Naglabas din umano ang Venture ng multiple checks na pirmado ni Racadio para ay Sulapas na nagkakahalaga ng mahigit P500,000 para hindi ma-monitor ng Anti-Money Laundering Council.

Dahil umano rito kaya nagawa ni Moron na kunin ang nasa P700 milyong securites ng pamilya Lee tungo sa account ni Sulapas sa Venture, sa loob ng pitong taon.

Binawi ng SEC panel ang registration at lisensiya ng Venture bilang broker/dealer. Diniskuwalipika na rin sina Racadio, Aguilar, Balabis at Mosenabre bilang mga registered person. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.