Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tanco brokerage pumalag sa hatol ng SEC

0 148

Pumapalag ang brokerage ni Eusebio Tanco sa naging hatol ng special hearing panel ng Securities and Exchange Commission (SEC) na nagsabing ito ang dahilan umano kaya nanakawan at tumaob ang R&L Investments Inc. noong Nobyembre 2019.

Sa isang pahayag, itinanggi ng Venture Securities Inc. ang desisyon ng special hearing panel na ito ang dahilan kaya tumaob ang R&L at lalabanan umano ng kompanya ang desisyon para patunayan na hindi sila nanlinlang at sumunod sa patakaran ng SEC at ng Philippine Stock Exchange (PSE).

Ang Venture Securities ay pag-aari ni Tanco na siya ring may ari ng STI at kasalukuyang PSE director.

“We intend to exhaust all administrative and legal remedies available to us to prove that we have not committed any fraud and that we have acted well within the bounds of the rules of the SEC and the PSE as a broker,” sabi ni Venture Securities president Wilfred Racadio.

Sabi ng Venture Securities, nakita dapat ng Capital Markets Integrity Corp. (CMIC) ang diumano’y anomalyang nangyayari sa loob ng walong taong ninanakawan ang R&L ngunit hindi naman nito kinastigo man lang ang R&L. Dagdag ng Ventures Securities, nagsagawa rin ng audit sa kompanya ang CMIC at wala naman itong iniulat na katiwaliang nangyayari sa Venture Securities at sinisi nito ang CMIC sa pangyayari.

Ang CMIC, na nasa ilalim sa PSE, ang nagsisilbing pulis ng mga stockbroker na dapat nagpaparusa sa mga ito sakaling may mga katiwaliang nangyayari sa stock market.

“If CMIC did its duty, they would have discovered the fraudulent transfer of the clients’ share,” sabi ng Venture Securities.

Kinastigo ng CMIC ang Venture Securities noong Enero 18, 2021 at pinagmulta dahil sa paglabag diumano sa patakaran pagdating sa customer protection, pag-sasaayos ng mga libro nito at paglabag sa Code of Conduct and Professional Ethics for Traders and Salesmen. Hindi inilalathala ng CMIC ang pinapataw nitong disciplinary action laban sa mga broker hanggang hindi pa pinal ang desisyon. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.