Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tandaan ang leksyon ng pandemya

0 238

Ngayong pandemya, marami tayong nakikita at napupuna. Marami rin tayong napapatunayan at napapagtanto sa buhay hindi lamang sa mga sarili nating buhay kundi higit lahat sa takbo ng lipunan partikular sa ating gobyerno.

Himayin natin ang mga nangyayari sa gobyerno natin. Bagama’t marami pa ring tunay na tagasuporta at tagapagtanggol ang pamahalaang Duterte, dumarami na rin ang namumulat at nagsasalita dahil nakukulangan sila sa ginagawa ng pamahalaan sa gitna na pandemyang ito. May mga nasasabi nga na tila walang nagtitimon sa gobyerno at nagkakanya-kanyang diskarte ang iba’t ibang departamento sa kanilang pagtugon sa mga problemang hatid ng COVID-19 pandemic.

Maya’t maya ay hinahanap sa social media ang Pangulo #NasaanAngPangulo na kesyo may sakit ba si Pangulong Rodrigo Duterte kaya hindi nito nagawa ang lingguhang Talk to the People. Dalawang linggong hindi nagpakita ang Pangulo kaya lalong umugong ang usap-usapan sa social media na baka daw na-stroke na ang Pangulo.

Habang nawawala ang Pangulo, nawala rin ang ilang mga importanteng tao sa gobyerno tulad ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na nagka-COVID kaya kailangang mag-isolate at Presidential Spokesperson Harry Roque na naospital daw dahil din sa COVID. Nauna nang nangawala sa sirkulasyon sina DILG Secretary Eduardo Año na dalawang beses na-COVID, PNP chief Gen. Debold Sinas, Trade Secretary Ramon Lopez at iba pa na naging biktima rin ng coronavirus.

Silang mga opisyal ng bansa na tinitingala natin ay hindi nakalibre sa COVID kaya naman hindi maiwasang mapaisip at matakot ang mga pangkaraniwang mamamayan tulad natin. Nakakawala tuloy ng pag-asa.

At dahil nakakakita tayo ng kahinaan, lalo tuloy lumulutang ang kalakasan at katatagan ng ilan tulad na lang ni Vice President Leni Robredo na naglunsad ng Swab Cab – isang mobile COVID testing na dinadala sa iba’t ibang lugar na may matataas na kaso ng COVID. Layunin nitong masuri ang mga tao sa komunidad at agad ma-isolate ang mga pasyenteng positibo sa virus. Isa pang kabilib-bilib ang inilunsad ni VP Leni na Bayanihan E-Konsulta na nagbibigay ng libreng konsulta sa doktor para sa mga tao na nangangailangan. Kahit sinong may cellphone at free data ay puwedeng mag-message sa Bayanihan E-Konsulta Facebook Page at ikokonek siya ng OVP sa mga partner volunteer doctors para sa konsultasyon.

Abalang-abala nga ang Office of the Vice President na namimigay na rin ng libreng COVID Care Kits na naglalaman ng lahat ng puwedeng kailanganin ng isang pasyente sa loob ng dalawang linggo na naka-isolate ito.

Tinumbok ng mga programang ito ni VP Leni ang dalawang major, major na problema sa pandemic: ang kakulangan ng mass testing at ang suportang kailangan ng mga kababayan nating nabibiktima ng COVID. Iba pa rin sa pakiramdam na alam mong may kadamay ka at may malalapitan sa oras ng pangangailangan, sa gitna ng kagipitan.

Dahil sa pandemya, namumulat ang mga mata natin. Nakikita natin ang mga mali at tama. Kaya marahil ang leksyong iiwanan sa atin ng COVID ay ang pagiging mulat para sa susunod na pagkakataong maglalagay tayo ng mga taong mamumuno sa atin. Dahil sa COVID, nakita nating kung mahihina ang mga taong ipupuwesto natin sa pamahalaan, wala tayong aasahan pagdating ng krisis. At sana dahil din sa pandemya, pagdating ng eleksyon ay tunay na nating piliin ang mga taong magmamalasakit, iyong mga taong hindi tayo iiwan kapag may kagipitan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.