Abante Tonite Interactive

Tanging pakiusap ang dapat mong gawin, magbayad ka ng utang

3,234

Dear Atty. Claire,

Dear Atty. Claire, Good day po. Hihingi lang po sana ako ng legal advise. Ako po ay may utang na 20k at ito po ay umabot na ng 26k dahil sa pinataw na interes ng aking pinagkautangan.

Umabot po ng tatlong taon at hanggang nga­yon, hindi ko nabayaran ang aking utang.Ngayon po ay may lisensya na sila na magpa-utang. Ngayon po pina-barangay po nila ako, ang payo po ng barangay ay makiusap ako sa aking pinagkakauta­ngan kung paano ko ito babayaran.

Ang sabi ko po ay maghuhulog ako buwan-buwan ng 1k kada buwan. Pero po ayaw puma­yag ng aking pinagkakautangan. Binantaan po niya ako na kapag ‘di ako sumunod sa gusto nila, ang attorney na daw po nila ang kausapin ko. Ano po ba ang dapat kong gawin? Salamat po,

Jessica

Ms. Jessica,Malamang kaya hindi ka makabayad ay ginamit mo ang inutang mo sa ibang kadahilanan o pa­ngangailangan mo at hindi sa isang business kaya’t wala kang ibang pagkukunan kahit na pamba­yad ng interes ng utang mo.

Magkaganu’n pa man, ang utang ay utang na dapat bayaran upang mapagkatiwalaan kang muli at ang kasunduan ninyo ay boluntaryo mong pinasok at hindi ka naman pinilit.

Nais ko sanang malaman kung ang interes ba ay napagkasunduan ninyo at nakasulat ito sa kasunduan, dahil kung hindi nakasulat ang kasunduan ay hindi ka maaaring singilin ng interes.Sa ngayon ay tala­gang sisingilin ka na ng pinagkakautangan mo at malamang na lumaki pa nang lumaki ang interes ­niyan.

Ang isang kasunduan kasi ay hindi ­basta pinapawalang-bisa ng korte maliban na lamang kung mapapatunayan mo na ang interes ay sobrang laki at hindi na katanggap-tanggap o hindi na ito makatao o makatarungan sa sobrang taas na pinataw na interes.

Kahit walang nakukulong sa utang ay hindi dapat na hindi tuparin ang napagkasunduan. Tanging pakiusap na lamang ang maaari mong gawin at ipakita na magbabayad ka naman kahit na maliit na halaga kada buwan, at ipaalam na wala ka talagang ibang pagkukunan ng ibaba­yad.

***

Kung may katanu­ngan pa ay tumawag lamang sa 419-7624 o 922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.