Abante Tonite Interactive

Tanging solusyon

By
292

Kahit pulbusin ng bala ang mga rebeldeng nagkukuta sa Mindanao, hindi matutuldukan ang inaasam na kapayapaan at muling uusbong ang mas malaking problema, hindi man ngayon kundi sa susunod na ilang taon.

Ang direktang pagtugon sa pangangailangan ng mga rebeldeng grupo, minus teroristang Abu Sayaff ang namumukod tanging solusyon sa pinapangarap na kapayapaan sa Mindanao; masalimuot subalit kung seryoso ang gobyerno katulad ng ginawa ni dating Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino – ito’y maaabot sa lalong madaling panahon.

Hindi maitatangging epekto ng ilang dekadang kapabayaan, pang-aabuso at kawalan ng pang-unawa ang ugat ng mahabang kasaysayan ng digmaan sa Minda­nao – ito’y likha ng mga dating namuno sa pamahalaan at ngayo’y pinagbabayaran ng ating henerasyon.

Katulad ng lomolobong pagkakautang ng bansa, nag-ugat ang lahat sa maling pamumuno kung kaya’t dinaranas ng sambayanang Pilipino ang pagbabayad sa kasalanang nilikha ng iilan, nawa’y magsilbing paalala lalo pa’t nagnanais bumalik sa poder ang mga dating haragan sa kapangyarihan.

Magandang simula ang pagnanais ni Pangulong Rod­rigo Duterte na matuldukan ang hidwaan sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at ipagpatuloy ang naiwang programa ni PNoy, partikular ang repormang pang-ekonomiya sa Mindanao.

Hindi lang nagsunog ng kilay kundi dugo at pawis ang puhunan ng mga taong nagsulong ng Comprehensive Agreement on the Bangsamoro — isang pamamaraan upang mailatag ang repormang pang-kabuhayan at pampulitika na dapat nakabatay, alinsunod sa mga umiiral na batas.

Sa ilalim ng Sajahatra program ni PNoy, tinatayang 11 libong beneficiaries ang nasakop sa Philhealth at 639 ang pinagkalooban ng libreng pag-aaral sa kolehiyo, sa pamamagitan ng College Study Grants Program sa taong 2014-2015 habang isang libo ang nabigyan ng technical and vocational training.

Malayo na ang narating ng usaping pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at MILF, dangan lamang nabahiran ng dugo dahil sa Mamasapano incident. Sa mahabang panahon, walang ibang dalangin ang sundalong naka-destino sa Mindanao na makauwi ng buhay; ganito rin ang dasal ng mga naninirahan sa naturang lugar na huwag madamay sa giyera.

Hindi na mabilang ang nawalan ng tahanan dahil sa giyera sa Mindanao; nawalan ng ama; nawalan ng anak; nawalan ng ari-arian; nawalan ng pag-asa; at maaring nawalan ng ulirat o nawala sa sarili dahil hindi malaman kung paano makaka-alpas sa problemang dala ng digmaan.

Ngayong isang taga-Mindanao ang nakaupong Pa­ngulo at tunay na dugong Mindanaoan, umaasa ang sambayanang Pilipino na mas lalo pang bibigyang pansin ang pagsusulong ng usapang pangkapayapaan dahil kung hindi ngayon, kelan mauulit ang pagkataong nagkaroon ng dalawang Pangulo na seryoso sa peace talks.

At dalangin ng inyong lingkod, nawa’y makiisa ang rebeldeng grupo; huwag ng pairalin ang pride kung sino ang bida sa kanilang hanay, mapa-MILF o Misuari Group dahil mas makabubuting mabasa sa laway keysa tamaan ng tingga.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (Twitter: follow@dspyrey)