Abante Tonite Interactive

Tangkang kudeta inismol ni Digong

By ,
1,584

Ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte ang plano ng oposisyon na patalsikin siya sa puwesto sa Oktubre.

Sinabi ng Pangulo na may nakuha silang impormasyon na pinagpaplanuhan ng mga dilawan, si senador Antonio Trilanes IV at Kilusang Komunista ang pagpapatalsik sa kanya sa puwesto.

Pero sinabi ng Presidente na hindi siya natatakot na ikudeta at gaya aniya ng paulit-ulit na pahayag, bababa siya sa puwesto kung may interesadong pumalit sa kanyang puwesto.

“Tatlo mga yan, bantayan nyo. Iyang yellow Liberals, Trillanes pati ang politburo. So tatlo yan, they are praying for my ouster. Kung kayo kayo lang nyan, magbakbakan lang tayo, matulog na lang ako,” anang Pangulo.

Binilinan ng Pangulo ang mga sundalo na tanungin ang intelligence community sa mga nasasagap na plano ng tatlong grupo.

Inaasahan aniyang mag-iinit ang ouster plot laban sa kanya sa susunod na buwan.

“Kudeta, kudeta wala yan. It does not even the word appeal to me at all. Kung idea­list ka man o de prinsipyo na tao, yang tatlong yan bantayan nyo. Iyan yung mag-a-oust na — oust Duterte and it will go into a higher October ganun,” dagdag na pahayag ni Pangulong Duterte.

Ibinalik naman ni Trillanes kay Duterte ang alegasyon na nakikipagsabwatan ang senador sa mga komunista para mapatalsik ang Pangulo.

Ayon sa senador, sa simula pa lang ng administrasyong Duterte ay nakipag-alyansa na ito sa kilusang komunista.
“Siya yun at power sharing pa ang ginawa, pinalakas niya ang mga komunista. Tapos ngayon ipapasa niya sa akin,” himutok ni Trillanes.

Pinabulaanan din ni Trillanes ang alegasyon ng Pangulo na nakikipagsabwatan siya sa foreign government.

“Yung foreign government na sinasabi niya, sino yun? Sa kadadaldal nito ni Duterte hindi niya masabi kung anong foreign government yun.” dagdag ng senador.