Abante Tonite
Mabilis sa Balita

‘Tanim-beneficiary’

0 202

Matapos umani ng batikos at pagkondena sa pagred-tag nila sa mga community pantry, mukhang napilitang kumambyo at mag-iba ng direksyon ang ilan sa mga pasistang galamay ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa bahagi ng Philippine National Police, muli nilang binuhay ang kanilang programang “BARANGAYanihan,” na pagpapakete sa Police Community Relations, ang linya ng gawain ng PNP na nakatuon sa pagpapaunlad umano ng ugnayan ng pulisya sa mamamayan. Sa partikular, nanawagan ang pamunuan ng PNP na magsagawa ang mga yunit nito ng BARANGAYanihan Lugawan o BARANGAYanihan Kitchen na magpapamahagi ng “breakfast lugaw” sa mga residente ng ilang barangay sa kanilang area of responsibility. Ayon sa direktiba ng pamunuan, banggitin daw na nagsilbing inspirasyon ng mga pulis ang community pantry sa Maginhawa Street sa Quezon City, na nagpasimuno sa paglitaw ng mahigit 300 community pantry sa buong bansa.

Kapaki-pakinabang na ambag sana ito ng kapulisan na pakikinabangan ng mamamayang naghihirap at nagugutom dulot ng pandemya at kakapusan ng ayuda mula sa pambansang gubyerno. Sa halip ng pagred-tag at pag-harass sa mga mamamayang nagtatayo ng community pantry, mas mabuti nga namang magbigay ng tulong ang mga pulis sa mga kababayang nagugutom. Sa kasamaang palad, hindi kuntento ang PNP sa simpleng pagtulong. Ayon sa isang memorandum ng PNP Regional Office 10 na nag-leak sa media, inaatasan ang mga pulis na magtanim ng mga pekeng benepisyaryo na pipila sa mga lugawan, at kukuha ng litrato na ipopost sa kani-kanilang Facebook account na may kasamang pahayag ng pagkilala at pagpapasalamat sa ayuda mula sa PNP. “These netizens can be planted civilian beneficiary civilians so as to manifest community’s appreciation.”

Laganap sa buong organisasyon ng PNP ang pagtatanim ng ebidensiya, laluna sa isinasagawa nitong pekeng gera kontra droga at panunupil sa mga aktibista. Dahil sa labis na kabulukan ng institusyon, magtataka pa ba tayo na magtatanim din ang PNP ng mga pekeng benepisyaryo para magbigay ng pekeng papuri sa kanilang pekeng Police Community Relations? Kung nasisikmura ng PNP ang pagsagawa ng mga pulis ng libo-libong extrajudicial killings at pinagtatakpan ito ng buong institusyon, walang duda na maliit na bagay lamang sa kanila ang panggogoyo sa publiko sa pamamagitan ng mga “tanim-beneficiary.”

Dapat pagpaliwanagin at panagutin si PNP Chief Debold Sinas, ang Directorate for Police Community Relations, at iba pang sangkot sa mapanlinlang na publicity gimik ng kapulisan. Malinaw na hindi nila nauunawaan na nakasalalay sa katotohanan at tiwala ang magandang relasyon sa pagitan ng pulis at komunidad, hindi sa garapal na panlilinlang.

Leave A Reply

Your email address will not be published.