Abante Tonite Interactive

Tanim-granada

0 172

Noong hapon ng­ ­Oktubre 31, nilusob ng pinagsanib na puwersa ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police ang apat na lokasyon sa Bacolod City sa Negros ­Occidental. Kabilang rito ang mga opisina ng mga kilalang aktibistang organizasyon tulad ng Bayan, Bayan Muna, Kilusang Mayo Uno, Gabriela, Anakpawis, at National Federation of Sugar Workers. Bitbit ang ilang search warrant, nakatagpo umano ang mga ­raiding team ng 32 baril, 3 ­granada, at inaresto ang 55 limang katao na kanilang ­nadatnan. Ayon sa PNP, ang kanilang inaresto ay mga kasapi umano ng New People’s Army na naglulunsad ng “combat-related ­training and indoctrination” sa mga bagong rekrut, kabilang ang ilang menor de edad.

‘Yan ang paliwanag ng mga awtoridad sa mga pangyayari. Ngunit ano ang katotohanan? May mga NPA nga ba na nakatipon at nagsasanay sa pinakapusod ng Bacolod?

Pawang kabalbalan ang inilalako sa ­publiko ng PNP at AFP. Hindi mga NPA kundi mga mapayapa, ­ligal, at di-armadong mamamayan ang ina­resto. Kilalang mga lider ng mga militanteng organisasyon ang ilan, mga aktibista para sa karapatang pantao ang marami, at mayroon ding mga ordinaryong manggagawa at magsasaka. Paano masasabing NPA ang 21 manggagawa ng Ceres Liner na nagkokonsulta sa KMU na kabilang sa mga inaresto? O ang mga artista ng Teatro Obrero na nag-eensayo para sa kanilang dula na “Papa Isyo”?

Bagong modus operandi na pinauso ng administrasyong Duterte para arestuhin at ikulong nang walang piyansa ang mga aktibista ang paggamit ng search warrant para pasukin ang mga target na opisina o tahanan, pagtanim ng baril at granada (kailangan nito para ­non-bailable), at paghuli sa lahat ng madaratnan. Isinagawa ang operasyon sa ­Bacolod sa bisa ng mga search warrant na inilabas ni Quezon City ­Executive Judge ­Cecilyn Burgos-Villavert.

Panahon ngayon ng pagtatanim ng granada. Kapani-paniwala ba na may matatagpuang granada sa bawat opisinang hahalughugin ng pulis? Siyempre hindi. Pero ganyan ang mangyayari sa mga darating na araw. Asahan ang mga katulad na operasyon at pag-aresto ng mga aktibista, kritiko ng administrasyon, at iba pang nagpapahayag ng pagtutol o lumalaban para sa karapatan ng mamamayan.

Katulad ng tinala­kay natin sa espasyong ito noong Setyembre, ito na ang simula ng crackdown sa mga ligal na organisasyong ­aktibista na pinahiwatig ni Duterte nang ideklara niya na “I’m serving notice to eve­ryone that in the coming months – not really bloody – but there will be a little trouble.”

Ang sagot ng mamamayang lumalaban: “Makibaka, huwag matakot!”