Abante Tonite Interactive

Tanim-kaso raket ibinuking ni Sotto

0 596

Ibinunyag kahapon ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ang diumano’y ‘tanim-kaso’ scheme sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) kung saan ang mga preso ay magbabayad kapalit ng pagbasura ng mga gawa-gawang kaso.

Ayon kay Sotto, ang impormasyon ay mula sa isa sa tatlong saksing hawak ng Senado sa diumano’y katiwalian sa Bureau of Corrections(BuCor).

“Iyung isa pa, lalabas na, palabas na… Iyun daw iyong tanim-kaso, biglang sasabihing, ‘Hindi ka puwedeng lumabas, mayroon ka pang pending.’ Maglalagay ka para mawala iyong pending mo dahil wala naman talaga,” pahayag ni Sotto sa panayam sa DZMM.

“Talo iyong tanim-bala,” sambit pa nito, patungkol sa raket na ‘tanim-bala’ sa mga bagahe ng mga pasahero sa airport.

Tumanggi naman si Sotto na magbigay ng karagdagang detalye para hindi maudlot ang testimonya ng tatlong saksi na dadalo sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado sa good conduct time allowance (GCTA) sa Lunes.

Sabi ni Sotto, kabilang sa tatlong Senate witnesses ang isang preso, asawa ng isang preso at isa pang indibidwal na hindi nito pinangalanan.

Naunang ibinunyag ni Yolanda Camelon, asawa ng isang preso sa NBP, sa Senado na nagbayad siya ng P50,000 sa mga opisyal ng BuCor para sa maagang paglaya ng kanyang asawa. Naging negosyo na umano sa Bilibid ang magbayad ng malaking halaga kapalit ng kalayaan, at maging sa mga ipinapasok na kontrabando gaya ng cellphone, charger, damit at pagkain ay may kapalit na halaga sa mga prison guard ng piitan.

Mariing itinanggi ng sinibak na BuCor Director Nicanor Faeldon ang diumano’y ‘GCTA for sale’ sa pambasang piitan. (Dindo Matining)