Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tanod nag-suicide sa walwalan

0 68

Nagpakamatay ang isang 52-anyos na barangay tanod sa harapan ng kanyang pamang­kin at mga kaibigan matapos umanong mabasted, Huwebes ng gabi sa Leyte.

Hawak pa ng biktimang tanod ng isang barangay sa bayan ng Tabango ang litrato ng babaeng nililigawan nang magbaril siya sa ulo.

Sa ulat ni Tabango Municipal Police Station (MPS) chief Police Major Ronald Espina, dead on-the-spot ang biktima dahil sa insidente.

Base sa salaysay ng pamang­kin ng biktima at mga kaibigan, nag-iinuman sila kamakalawa ng gabi nang mapadaan ang biktima na bakas ang kalungkutan sa mukha.

Inalok umano ng pamangkin ang tanod na tumagay subalit tinanggihan siya ng huli at sinabing pupunta ito sa kabilang barangay.

Subalit laking gulat na la­mang ng mga nag-iinuman nang biglang bumunot ng baril ang biktima sabay tutok at putok sa ulo nito.

Lumalabas sa ulat ng pulisya na nakararanas ng sobrang kalungkutan ang biktima matapos itong bastedin ng nililigawang babae.

Nakuha umano mula sa tanod ang isang kalibre .45 na baril na ginamit sa pagpapakamatay, gayundin ang litrato ng isang babae na pinaniniwalaang nili­ligawan niya.

Samantala, may nilunsad na hotline para sa mga Pilipinong may katanungan tungkol sa mental health, kailangan ng counseling, may kinahaharap na suliranin, o nanganganib na mag-suicide.

Maaaring tawagan ang Na­tional Center for Mental Health 24/7 crisis hotlines sa cellphone (0917-899-8727) o sa telepono (7989-8727 o 1553). (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.