Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tanza Pride sa SG

0 113

Talaga namang nakaka-proud ang tubong Tanza, Cavite matapos kilalanin ang husay at galing sa larangan ng Mixologist sa Singapore – siya si Remz Ocampo na taga Barangay Daang Amaya 2.

Isa si Remz sa dalawang Singapore-based Filipinos na nanalo sa katatapos lang na World Gourmet Awards (WGA) kung saan nagtagisan ang mga kalahok sa hospitality industry. Kinilalang MKN Female Chef of the Year si Chef Johanne Siy na tubong Dagupan. Samantalang si Renz naman, tinanggap ang Borders Distillery Mixologist of the Year award.

Naitampok namin ang pagkapanalo ni Renz sa Balitang Tanzeño, ang lingguhang balitaan na hatid ng LGU Tanza. Kuwento ni Renz, hindi niya inakalang siya ang kikilalanin bilang pinakamahusay sa larangan ng bartending.

Sabi niya, ‘I’m not really expecting na ako ‘yung mananalo but when they called my name, grabe iba ‘yung feeling parang ewan ko ba, ang hirap i-explain mixed emotions sobrang overwhelmed kasi ramdam mo ang suporta ng ibang tao.’

Hindi raw talaga hilig ni Remz ang bartending, pero sa suporta ng pamilya at mga kaibigan, pinag-aralan at natutuhan niya ito. Aniya, ‘hindi ako marunong magluto, ako ay naimpluwensyahan ng aking professor sa LPU, siya ang naging mentor ko sa bartending.’

Malaki raw ang naging impluwensiya ng kanyang college mentor kaya siya nahumaling sa mixologist. Hindi rin daw matatawaran ang suporta ng kanyang pamilya at mga kaibigan.

Hindi ito ang unang beses na nagwagi si Remz sa kompetisyon. Kinilala na rin noon ang kanyang husay at galing sa iba’t ibang international contests. Kabilang dito ang Top 3 in Bartenders Mixology Master Class na pinangunahan ng International Bartenders Association noong 2013.

Dati ring nagtrabaho si Remz sa Doha branch ng Nobu, ang restaurant ng celebrity chef na si Nobuyuki Matsuhisa at ng aktor na si Robert de Niro.

Kuwento pa ni Remz, ‘I started this passion since 2010. Alam ng mga tao ‘yan, ng aking mga kaibigan lalo ng mga taga De Roman. Nagpa-practice ako before halos naubos ko na nga ‘yung damo sa may basketball court kasi doon ako nagpa-practice ng tricks.’

Very happy and proud din sa Remz dahil siya ang kinilalang pinakamahusay sa lahat ng mga kalahok na galing pa man din sa malalaking bar sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang sikreto, ayon sa kanya – ang pagiging humble. Hindi raw pumasok sa isip niyang mas magaling siya sa kanyang mga kalaban. Ang sarili raw niya ang itinuring niyang kakompetensiya.

May payo si Remz sa mga kapwa Tanzeño na gusto ring tahakin ang landas ng mixology. Aniya, ‘Push n’yo lang. Magiging happy ako para matulungan kayo, message n’yo lang ako sa Facebook, bigyan ko kayo ng tips.’ (with reports from Jhan Ferdie Llagas)

Leave A Reply

Your email address will not be published.