Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tanza Pride: Singing Bulilit

0 312

Likas sa mga Pilipino ang pagkahumaling sa pagkanta.

Take note, hindi lang simpleng pag-awit. Madalas, may kasamang birit.

Ilang Pilipino na ang tumatak at umukit sa kasaysayan ng music industry sa buong mundo. Kabilang na ang tubong Tanza, Cavite na si Jasmine Trias na nagwagi bilang 3rd placer sa 3rd American Idol.

Ngayon, may isa na namang tubong Tanza, Cavite na lumusot sa ‘The Voice Kids’ United Kingdom. Siya ang sampung taong gulang na si Rachel O’Donnell. Isa siya sa limang Pilipino na nagpa-wow sa apat na hurado ng nasabing international singing contest.

Pasok din sa blind auditions ang 14-year old na si Joshua Regala, kapwa 13-year old na sina Justine Afante at Jarren Garcia, at ang 7-year old na si Victoria Alsina.

Ilang beses nang nagmarka sa singing industry ang Tanza, mapa-local o foreign arena man.

Nasungkit noon ni Lyca Gairanod ang kampeonato sa kauna-unahang ‘The Voice Kids’ sa Pilipinas. Naging finalist naman sa ‘The Voice Teens’ si Mike Escutin. Kapwa taga-Tanza sina Lyca at Mike.

Samantala, labis na pinahanga ng IrishFil na si Rachel ang apat na hurado sa blind auditions sa ‘The Voice Kids’ UK.

Sobrang proud at hindi makapaniwala ang ina ni Rachel na si Lea matapos pag-agawan ng mga hurado ang sampung taong gulang na anak nang kantahin nito ang hit song ni Patsy Montana na ‘I want to be a Cowboy’s Sweetheart’ sa nasabing kompetisyon.

Kuwento ni Lea, bata pa lang ay pangarap na talaga ni Rachel na sumali sa mga singing contest. Kaya tuwang-tuwa sila nang makatanggap ng imbitasyon.

Ayon kay Lea, ‘Si Rachel ay masunuring bata, very organized, talagang dream niya na mag-join sa contest. We just got an invitation sa The Voice, nung una akala ko it’s a prank kasi nakatanggap ako ng message sa dance teacher niya.’

Maging si Rachel hindi rin makapaniwalang lumusot siya sa kompetisyon.

Kuwento ni Rachel, ‘I can’t believe I’m in The Voice Kids UK 2020, it’s unbelievable, it’s really amazing.

‘Yun nga lang, hindi na pinalad na makalusot sa Battle Rounds si Rachel. Pero inspirasyon pa rin siya sa mga taga-Tanza. Sa kanyang murang edad, buong mundo ang kanyang pinahanga.

May mensahe si Lea sa mga supporter ng kanyang anak, ‘Salamat po sa suporta at pagmamahal sa aming anak na si Rachel, kahit anong mangyari, very proud kami sa kanya.’

Hindi raw titigil si Rachel sa kanyang pangarap na maging isang sikat na singer. May payo siya sa mga gaya niyang nag-aasam-asam na maging tanyag sa larangan ng pagkanta, ‘Follow your dreams, study well in school and be thankful for all your blessings and work hard for what you do and achieve in life.’

Hindi mo man nakamit ang kampeonato sa kompetisyon, saludo pa rin kami sa ipinamalas mong galing at husay sa pag-awit, Rachel!

Leave A Reply

Your email address will not be published.