Abante Tonite Interactive

Tao ni Bato inambus sa bilibid

By
1,645

Patay ang isang opisyal ng Bureau of Corrections (BuCor) matapos tambangan at pagbabarilin ng gunman na nakasakay sa motorsiklo sa New Bilibid Prisons (NBP) Re­servation sa Muntinlupa City kahapon ng hapon.

Dead on-the-spot ang biktimang si Insp. Romel Reyes, 41-anyos, nakatalaga sa Bureau of Reservation Security Service (BRSS).

Sa imbestigasyon ng Muntinlupa Police, naganap ang insidente dakong alas-4:05 ng hapon sa may NBP Road malapit sa Sunken Garden ng NBP Reservation sa Barangay Poblacion, Muntinlupa City.

Nakasakay umano ang biktima sa kanyang motorsiklo nang pagbabarilin ng suspek.

Inilarawan naman ang gunman na nakasuot ng kulay puting helmet at nakasakay sa kulay asul na motorsiklo.

Nakasibilyan lamang umano ang biktimang si Reyes kaya malamang na hindi ito galing sa opisina sa BuCor at posibleng may hinatid o pinuntahan lamang sa lugar, dagdag pa ng mga imbestigador.

Tinitingnan umano ng mga pulis ang video record ng nakakabit na closed-circuit television (CCTV) sa lugar para makita ang aktuwal na nangyari.

Patuloy namang ina­alam ng pulisya ang motibo ng krimen kung may kinalaman ito sa pagkalat ng iligal na droga sa loob ng Bilibid at ang pagkakakilanlan ng suspek na mabilis na tumakas matapos ang pamamaril.

Labis umanong ikinagulat ni BuCor Director Ronald ‘Bato’ dela Rosa ang pamamaril, lalo’t sa loob ng NBP Reservation pa ito nangyari.

Patuloy pa ring iniimbestigahan ang krimen habang sinusulat ang balitang ito.