Abante Tonite Interactive

Taon ni Bonomo

By
1,134

Tapos na ang World Series of Poker (WSOP)-Las Vegas at tama lang na ang pinakamainit na poker player ngayong taon ang nagkampeon sa huling event nito.

Naibulsa ni Justin Bonomo na tubong Los Angeles, California ang pinakama­laking premyo na nakataya sa WSOP event ngayong taon na $10 milyon matapos mapagwagian ang Big One for One Drop kung saan kailangan mo ng $1 milyon para makasali.

Ang walong-pigurang premyo ang nagtulak kay Bonomo sa tuktok ng all-time money list. Sa kabuuan ay meron na siyang $42,979,593 naiuwing premyo, mahigit $3 milyon ang lamang sa dating all-time leader nasi Daniel Negreanu ng Canada na may $39,656,197.

Sampung (10) beses na nagwagi sa malalaking torneo ngayong 2018 si Bonomo at meron siyang kabuuan na 20 final tables at 24 cashes ngayong taon.

Ito na ang ‘single most successful season’ para sa isang poker player sa kasaysayan. Katunayan, ang $24,945,435 na premyong nakuha niya sa mga torneong sinalihan sa 2018 ay sapat para sa ika-siyam na puwesto sa all-time money list.

Ang dating sukatan ng ‘successful season’ para sa mga poker player ay ang 2016 ni Fedor Holz na nakalikom ng $16,093,402 sa nasabing taon sa likod ng 24 tournament cashes.

Kabilang sa malalaking torneo na napagwagian ni Bonomo ngayong taon ang Super High Roller Bowl sa China noong Marso kung saan nakapag-uwi siya ng $4,823,077 at angi sa pang Super High Roller Bowl noong Mayo kung saan $5 milyon naman ang kanyang naibulsa.

Meron pang mahigit apat na buwan si Bonomo para madagdagan ang kanyang record haul ngayong taon at sigurado tayo na sa taas ng kumpiyansa niya ngayon ay marami pa siyang iuuwing titulo at premyo.