Abante Tonite Interactive

Tapusin na ang isyu sa ABS-CBN

618

Dapat na sigurong pakinggan ni ­Solicitor General Jose ­Calida ang panawagan ng nakakarami na bawiin na ang quo warranto petition na isinampa nito sa Korte Suprema laban sa ABS-CBN Corp.

Lumalabas kasi sa mga pagdinig na wala namang katuturan ang kuda ni Calida sa halip ay maituturing itong pagsikil sa press ­freedom.

Maging ang mga kaalyado ni Pangu­long ­Rodrigo Duterte na sina ­Senador Bong Go at Justice Secretary Menardo Guevarra ay pabor na ma-renew ang prangkisa ng naturang ­network.

Taliwas ito sa hirit ni Calida na ipawalang-bisa na ang prangkisa ng Kapamilya network dahil ipinagbabawal sa Saligang Batas ang pagmamay-ari ng mga dayuhan sa anumang media sa bansa gayundin sa pagbibigay ng pantay na karapatan at pagboto sa mga ­internal na usapin ng ­network.

Ang lahat ng aku­sasyon ni Calida ay inisa-isa sa hearing ng Senado at punto por puntong binigyan ng kasagutan.

Pati ang mga ­dating sama ng loob ni Pangulong Duterte sa ABS-CBN na karamihan ay nag-ugat pa sa nagdaang presidential election ay inungkat tulad ng mga advertisement na mga banat ng kampo ni ­dating Senador ­Antonio Trillanes IV na ­anti-Duterte.

Nabigyang katuwiran ng network na ang kanilang paglalabas ng mga anti-Duterte ads ay saklaw at pinapayagan ­naman sa ilalim ng Fair ­Election Act.

At ngayong nagkaliwanagan na dapat na ring kumilos si House Speaker Alan Peter Cayetano at mga miyembro ng House committee on legislative franchises para mapag-usapan at madesisyunan na ang prangkisa ng Kapamilya network.

Tapusin na natin ang usapin!