Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tapyas buwis wa epek, pork mahal pa rin – Senado

0 53

Iginiit ni Senador Francis Pangilinan na ibalik na lamang ang orihinal na 20 hanggang 30% taripa sa mga imported pork para matulungan ang mga magbababoy sa bansa na makabawi sa pagkalugi bunsod ng African Swine Fever (ASF).

“Tatlong buwan na nang ibinaba ang taripa sa baboy, pero mataas pa rin ang presyo ng baboy sa palengke. At hirap pa rin ang mga Pilipinong magbababoy,” sabi ng senador.

Base aniya sa datos ng Department of Agriculture nitong Hulyo 9, P340 ang kilo ng bawat kilo ng kasim, habang P380 naman sa liempo. Umabot pa ito ng hanggang P400.

“Mataas pa rin ang P380. Bago mag-ASF, mga P240 ang kilo ng baboy. Suportahan natin ang ating mga magbababoy. Bigyan natin sila ng konting laban. Sa taripa natin ngayon, mga importer lang ang masaya. Ang mga Pinoy, pork diet pa rin dahil sa taas ng bilihin,” ani Pangilinan.

“Puwedeng ipagmalaki ng DA [Department of Agriculture] na maraming imported pork sa mga supermarket. Pero sino ang kayang bumili? Sino ang bumibili?” dagdag ng senador.

Ayon kay Pangilinan, sa pagbalik-sesyon ng Kongreso ay isusulong uli niya ang panukalang itaas sa original rate ang taripa para sa mga imported pork. (Dindo Matining)

Leave A Reply

Your email address will not be published.