Abante Tonite Interactive

Tara na sa San Felipe!

0 645

Madalas akong ma-assign sa lalawigan ng Zambales noong field reporter pa ako. Baha, landslide at flash flood ang karaniwang istorya. Hindi ko masyadong na-explore ang probinsya dahil laging tutok sa coverage. Pero nitong isang linggo, pumukaw sa atensyon ko ang coastal town ng San Felipe kung saan ginanap ang 2019 Division Schools Press Confe­rence ng Zambales.

Maliit na bayan lang ang San Felipe. Wala pang tatlumpung libo ang populasyon. Pero nakabibighani ang angking ganda nito. Sila ang kauna-unahang munisipalidad na nagpatupad ng No Smoking at No Plastic Policy.
Tinagurian ding ‘Cleanest and Greenest Town in Zambales’ ang San Felipe. Katunayan, kinilala ang palengke ng ba­yan bilang ‘Cleanest Public Market’ sa buong lalawigan.

Masuwerte ring nakapasyal ako sa Liwliwa Beach, apat na ki­lometro lang ang layo mula sa municipal town proper. Ito na ang pinakamalapit na surfing spot ng mga taga-Metro Manila. Kaya naman hindi nakapagtatakang dumarayo rito ang mga turista. Bukod sa surfing, ginagamit din ang beach sa yoga classes, jamming nights, visual arts activities at tightrope walking.

May limampung beach resorts sa ba­yan kaya maraming mapagpipilian. Sa halagang P500 hanggang P1,000, abot kaya ang upa sa cottage.

Bukod sa beach, agaw-pansin din ang 3-layered Lubong-Nangoloan Falls.

Labinlimang minuto lang ang layo nito mula sa mismong bayan. Mura ang eco-tourism fee sa halagang P30. May diskuwento sa mga senior citizen, PWD at mga bata.

Hindi matatapos ang pamamasyal kung walang food trip. Ipinagmamalaki ng San Felipe ang native longanisa at bagnet na mas kilala nila sa tawag na chicharon. Hinay-hinay nga lang sa kain at baka tumaas ang presyon ng dugo.

Sa mga naghahanap ng mapapasyalan ngayong malapit na ang sembreak, subukan ninyong tuklasin ang ganda ng San Felipe! Tiyak akong babalik-balikan ninyo.’