Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tara na, summer na!

0 153

Ito na ang ikalawang summer na literal tayong naka-staycation. Dahil nasa ilalim pa rin ng community quarantine ang malaking bahagi ng bansa, bawal pa ring mamasyal sa mga malalayong lugar. Kaya sa bahay lang tayo ngayong panahon ng tag-init.

Marami ang nag-rebook o di naman kaya’y nag-cancel na lang ng scheduled flight ngayong summer. Ba-bye uli sa mga pamosong pasyalan at beach resorts. Mahigit isang taon mula nang tumama ang Covid-19 pandemic sa bansa, hindi pa rin talaga tuluyang nakakaalagwa ang tourism industry.

Likas na madiskarte ang mga Pilipino. Sa kabila ng pandemya, kanya-kanya pa ring isip ng paraan para ma-enjoy ang summer. Hindi mawawala sa listahan ang inflatable pool o mga makeshift na paliguan. Sa tindi ng init ngayon, nakagiginhawa ng pakiramdam ang pagbababad sa tubig. Ang iba nga, kuntento na kahit sa malaking batya o balde na pinuno ng yelo.

Board games naman ang pastime ng iba. Sa ganitong paraan, nahahasa raw ang kanilang mental ability. Gaya na lang ng chess, mapapaisip ka ng tamang move para hindi ka matalo. Vocabulary mo naman ang lalawak sa scrabble. Ang bata naman, enjoy rin sa board game na snake and ladder.

Pag ganitong summer, nauuso rin ang musical instruments. Nawiwili ang iba sa gitara, piano o di naman kaya’y drum set. Masuwerte ka kung may extra budget at may chance na mag-enroll sa music school.

Noong bata pa ako, inenroll kami ng parents namin sa piano lessons. Sa aming tatlong magkakapatid, ako lang ang hindi natuto. Wala siguro talaga sa hilig ko ang music. Pag naiisip ko ito ngayon, nakapanghihinayang. Sana may iba pa akong libangan.

Social media naman ang pinagkakaabalahan ng marami. Iba’t ibang platforms na ang nauso ngayon. Isa na rito ang ‘Tiktok’ na ‘in na in’ sa mga kabataan. Bukod sa self-expression dahil naipakikita ang talento sa pagkanta, pagsayaw o pagsasalita, instant celebrity rin ang mga nagti-tiktok lalo na kung patok sa netizens ang iyong content.

Pero ang iba, imbes ma-enjoy ang social media – kung minsa’y ‘source of stress and anxiety’ pa ito dahil sa dami ng mabibigat na balita online. Ika nga, dapat ‘in moderation’ din ang paggamit ng social media para hindi ka agad magsawa.

Ang sa akin lang, kahit ano pa ang napili nating summer activity – ang mahalaga, laging isaisip ang umiiral na health protocols. Hindi masayang mag-enjoy kasama ang pamilya at mga kaibigan. Pero importanteng matiyak na nasusunod ang minimum public health standards.

Leave A Reply

Your email address will not be published.