Abante Tonite Interactive

Tara na’t mangaroling

0 154

Palibhasa’y wala akong kaedad sa compound kung saan ako lumaki, hindi tuloy ako nakaranas ng caroling. Kaya naiinggit ako sa mga batang nagbabahay-bahay gabi-gabi para kumanta ng Christmas carols.

Gamit ang tambourine na gawa sa mga tansan na pinagsama-sama sa iisang wire, halos mapatid na ang ugat sa lalamunan ng mga bata sa pagkanta ng traditional Filipino Christmas songs.

Matiyagang umaawit ang mga bata at nag-aantabay sa paglabas ng may-ari ng bahay. Oras na maabutan ng aguinaldo, magpapaabot ng pasasalamat ang mga caroler sa pamamagitan ng isa pang awit, “Thank you, thank you, ang babait ninyo.”

Sa paglipas ng panahon, parang unti-unti nang nawawala ang tradisyong ito.
Sa totoo lang, bihira na akong makakita ng mga batang nagbabahay-bahay para ma­ngaroling. Tila mas abala na ang mga bata ngayon sa gadgets. Marami ang nag-uubos ng oras sa paglalaro ng computer games. Nakalimutan na ang nakagis­nang caroling.

May nakikita akong mga batang nangangaro­ling kahit hindi panahon ng Kapaskuhan. Pero hindi sa mga bahay. Alam n’yo kung saan? Sa kalsada. Nakikipagpatintero sila sa mga sasakyan para lang humi­ngi ng kaunting limos sa mga motorista.

Nasa batas at noon pa ipinagbabawal ng gobyerno ang pagbibigay ng limos sa mga bata sa kalsada. Peligroso ito para sa kanila. Buhay nilang walang kamuwang-muwang ang nakataya rito.

Alam kong masakit sa loob na hindi maabutan ng pera ang mga batang nangangailangan. Pero kung ito lang ang solusyon para hindi na sila maglipana sa daan, gawin na natin.

Kung talagang nasa loob ang pagtulong sa kapwa, mas mainam na sigurong pumasyal tayo sa mga charitable institution para mag-abot ng regalo’t aguinaldo sa mga kapus-palad na bata.

Ang sa akin lang, huwag kalimutan ang tradisyong ito na bahagi na ng Paskong Pinoy. Iba ang sayang dulot ng sabay-sabay na pag-awit at sama-samang pagbabahay-bahay para mangaroling.