Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tara usap tayo!

0 140

Madalas akong mangumusta sa aking mga kaibigan. May mga nagre-reply. Mayroon din namang deadma lang. Pero sa tuwing may sasagot sa text o chat ko nang ‘Okay lang’, bigla akong napapaisip. Okay lang kaya talaga siya? O baka naman may bumabagabag na sa isip niya?

Ngayong nasa gitna pa rin tayo ng pandemya, muling iginiit ng health experts na tutukan ang isyu ng mental health awareness.

Marami raw ang nakararanas ng depresyon at pagkabalisa dahil sa pandemya na mahigit isang taon na nating binubuno. Katunayan, wala na raw itong pinipiling edad.

Ayon sa Municipal Health Officer ng Tanza, Cavite na si Dr. Ruth Punzalan, ‘Tumataas po yung suicidal cases sa panahon natin ngayon, mga bata, middle aged, minsan senior na rin kasi ang mga sinasabi, di na nila kinakaya ang mga problema nila’.

Maiiwasan naman daw ang suicidal tendencies kung may malakas at solidong support system.

Ibig sabihin, dapat handa tayong makinig at tumulong sa mga taong nakararanas ng depresyon, pagkabalisa at iba pang mental health problems.

Ang susi, ika nga sa ilang mental health experts – open communication sa mga taong may problema sa mental health.

Sabi ni Dr. Punzalan, ‘Ang pinakasolusyon lang po n’yan pag meron kayong agam-agam, meron kayong iniisip o nag-aalala kayo, maghanap po kayo ng mapagkokonsultahan. Mas maganda makipag-usap sa kaibigan, sa health worker, o kanino mang puwede n’yong pagkatiwalaan.’

Huwag daw basta makuntento sa sagot nilang ‘Okay lang’. Posible kasing may mas malalim na hugot ang simple nilang reply. Ang dapat gawin, makinig sa kanila. Huwag din basta magtanong nang magtanong. Hayaan daw silang mag-open. Mas mahalagang makuha muna natin ang loob nila para makapagkuwento sila.

Ngayong may pandemic, muli ring nagpaalala ang health authorities na huwag matakot magpacheck-up.

Sa datos ng RHU – Tanza, marami ang nag-aalangang magpa-checkup ngayong may pandemya kahit pa may ibang karamdaman talaga sila. Tila dinadaga ang dibdib sa tuwing tumutuntong sa ospital para magpagamot.

Ito ang nakikitang dahilan ng RHU Tanza kung bakit tumaas ang bilang ng death cases sa aming bayan.

Sabi ni Dr. Punzalan, ‘Maraming nagkakaroon ng mas malalang sakit, at nagiging dahilan ng pagkamatay so dumadami ‘yung death not secondary to covid but to other diseases, dahil ayaw nga nilang magpa-checkup dahil natatakot na ma-label sila na PUI or Covid suspect or Covid patient.’

Kaya kahit parang sirang plaka na, paulit-ulit ang panawagan ng RHU Tanza sa mga residente na agad magpatingin sa doktor kung may ibang nararamdaman higit lalo kung covid-related ang sintomas.

Leave A Reply

Your email address will not be published.