Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Taralets sa Tagaytay

0 131

Julius M. Segovia

Hindi naging maganda ang pasok ng 2020 para sa mga may negosyo sa Tagaytay City, Cavite. Kapapalit palang ng taon nitong January 13 nang nag-alburoto ang Bulkang Taal. Nagbuga ito ng ash fall sa malaking bahagi ng Cavite na umabot hanggang sa Metro Manila. Ang gasolinahan naming Petro Gazz na nakapuwesto sa may Sta. Rosa-Tagaytay Road, naapektuhan. May ilang linggo rin kaming sarado kasabay ng marami pang establisyimento sa lungsod.

Marso naman nang makapasok sa bansa ang pinangangambahang COVID-19 noon mula sa Wuhan, China. Dahil sa ipinatupad na hard lockdown sa Metro Manila at mga kalapit lalawigan, muling naapektuhan ang negosyo sa tinaguriang ‘Second Summer Capital of the Philippines’. Walang turistang namasyal sa Tagaytay nitong nakalipas na summer break. Ang negosyo, unti-unti ring nagsara dahil hindi na kinaya ang operating expenses. Luging-lugi kung magpapatuloy sila sa pag-operate gayung wala namang customers.

Matapos ang mahigit anim na buwan, inanunsiyo ng lokal na pamahalaan ng Tagaytay City na muli na nilang binubuksan sa mga turista at motorista ang pamosong pasyalan.

Ngayong nasa ilalim na ng modified general community quarantine ang lalawigan ng Cavite, bukas nang muli sa mga turista ang Tagaytay City. ‘Yan ang kinumpirma ni City Administrator Gregorio Monreal alinsunod na rin sa memorandum na inilabas ni Tagaytay City Mayor Agnes Tolentino nitong September 1.

Ayon kay Monreal, ‘Yung mga gustong pumunta sa Tagaytay ay hindi naman natin puwedeng mapigilan, welcome sila sa atin pero kailangan nilang sumunod sa minimum public health standards.’

Hindi na kailangang magpakita ng travel pass kung pupunta nang Tagaytay para mamasyal. Pero kailangan ng bawat isa na mag-fillout ng health declaration form na available sa mga pupuntahang establisyimento.

Requirement ito sa bawat business establishment. Dapat na sumusunod sa health protocols ang mga trabahador pati na guests para matiyak na hindi na kakalat pa ang nakamamatay na coronavirus disease.

Ang mga private vehicle naman, pahihintulutan ding makapasok ng lungsod basta siguruhing nasusunod ang physical distancing ng mga pasahero sa loob ng sasakyan. Ibig sabihin, hindi puwede na masyadong siksikan.

Bukas na rin ang mga hotel sa Tagaytay pero 50% lang ng operating capacity nila ang pinapayagan sa ngayon.

Ang sa akin lang, sa panahon ng pandemya – kailangan talagang i-balanse ang kalusugan at ekonomiya. Sa kabila ng banta ng COVID-19, unti-unti nang nagbubukas ang mga negosyo at komersyo sa Tagaytay para muli nang makabangon ang mga tao roon. Pero siyempre, kailangang matiyak na nasusunod ang ipinatutupad na health protocols para walang sisihan sa bandang huli.

Leave A Reply

Your email address will not be published.