Abante Tonite Interactive

Target ni Duterte ang ‘A credit rating’

406

Determinado diumano si Pa­ngulong Rodrigo Duterte na makamit ng bansa ang ‘A credit rating’ sa pamamagitan ng mabisang ugna­yan ng Malacañang at Kongreso para sa mga repormang lalong magpapabilis sa pagsulong ng pambansang ekonomiya.

Ayon kay Albay Rep. Joey Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee, kasama rito mga amyenda sa 83-taong Public Service Act, mala­laki at mahahalagang impraestraktura, mabilis na internet, mababang gastos sa kuryente, pinadaling sistema ng mga tansaksyon, at reporma sa buwis. Ang pagkakaroon ng ‘A credit’ ay mangangahulugan ng magandang kapaligiran sa pamumuhunan, paglago ng ekonomiya at magandang buhay para sa mga Pilipino, paliwanag niya.

Naging daan ang nauna nang mga reporma upang itaas ng Standard and Poor ang ‘credit rating’ ng Pilipinas sa BBB+ mula BBB, na nagpapahiwatig ng malakas na tiwala sa repormang adyenda ng Pangulo. Kasama rito ang TRAIN 2 TRABAHO bill na tinatawag na ngayong ‘Corporate Income Tax and Incentives Reform Act’ o CITIRA na prayoridad at tiyak na papasa sa Kongreso.

Layunin ng CITIRA na unang akda ni Salceda na bawasan ang ‘corporate income tax’ sa 20% mula 30% hanggang 2029, o 2% kada taon. Ganu’n man, lilikha ito ng 1.4 mil­yong trabaho sa loob ng 10 taon din. Ang CITIRA ay pangalawang malawakang reporma sa buwis na magpapalakas sa pribadong sektor para ang bansa ay makasabay sa masisiglang ekonomiya sa mundo.