Abante Tonite Interactive

Tarlac provincial gov’t kinalampag sa nakatenggang ₱797M pondo

282

Kinastigo ng Commission on Audit (COA) ang provincial government ng Tarlac dahil sa hindi tamang paggamit ng P1.03 bilyong local development fund, gayundin ang hindi epektibong pagpapatupad ng mga nakap­lanong proyekto.

Ayon sa 2018 annual audit report, nasa 22.53 percent lang ng nasabing pondo ang nagamit, kung saan naiwan pa ang P797.68 mil­yon ng budget na hindi nagagalaw.

Gayunman, ayon sa Provincial Planning and Development Office (PPDO) ng Tarlac, ang nasabing financial accomplishment rate ay patungkol lamang sa ‘actual payment’ para sa mga proyekto ng probinsya at ilang aktibidad noong nakaraang taon.

“There were other programs and projects in 2018 that were not yet paid during the year because the pertinent disbursement vouchers were not yet processed,” ayon sa PPDO.

Ipinaliwanag pa nito na base sa ‘physical accomplishment rate’, nasa 53.35 percent na ang nagamit.

Ayon sa COA, balido ang paliwanag ng PPDO bagama’t ang nasabing mga rate o porsiyento ay mababa sa 100 percent utilization rate na labag sa government policy na ‘intensifying spending of deve­lopment funds’.

Pinuna rin ng COA ang mabagal na implementasyon ng mga proyekto na nakaplano na bago pa ang budget year.

“The 4th Quarterly Report on Government Programs Projects and Activities (PPAs) for development funds showed that only two projects were fully completed in 2018,” sabi ng COA na ang pinatutung­kulan ay ang construction ng waste management faci­lity at opisina sa dala­wang local hospital.

Natuklasan ng COA na ang ilan sa mga ginawaran ng award na single contractor ay may limitadong ‘manpower at equipment.’

(Allan Yves Briones)