Abante Tonite Interactive

Task Force binuo vs killer ni Fr. Noli

By
535

Bumuo ang pulisya ng ‘Task Force Nilo’ na siyang hahanting sa mga suspek na pumatay kay Fr. Richmond Nilo habang nagmimisa kamakalawa nang gabi sa Zaragosa, Nueva Ecija.

Ayon kay Chief Supt. Amador Corpus, director ng Police Regional Office (PRO) 3, ang nasabing task force ay pamumunuan ng Deputy Provincial Director ng Nueva Ecija Police Provincial Office at ngayon ay kumakalap na ng mga saksi at posibleng ebidensya na makakapagturo sa mga suspek at motibo ng mga ito.

Humihingi din ng tulong sa publiko na sakaling mayroong impormasyon hinggil sa nasabing insidente at sa posibleng paglutas nito na huwag mag-atubiling tumawag sa pulisya at tumawag at mag-text sa nu­merong 09985985330.

Abante Hiring – IT dep

Si Father Richmond Nilo, 40-anyos ng Diocese of Cabanatuan ay pinagbabaril ng dalawang hindi pa kilalang armadong lalaki habang magsisimula ng misa bandang alas-6:05 kamakalawa nang gabi sa loob ng Nuestra Senora de la Nieve Chapel sa Barangay Mayamot sa bayan ng Zaragosa.

Idineklarang dead on arrival sa pinagdalhang ospital sanhi ng mga tama ng bala sa katawan ang biktima.

Ang panibagong pamamaslang sa pari ay mariin namang kinondena ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) kung saan unang nabalitaan ang krimen sa kanilang Twitter account.

Si Fr. Nilo ang ikatlong pari na pinatay matapos ang pamamaril kay Fr. Mark Ventura nitong Abril 29 habang nagmimisa sa isang gymnasium sa Barangay Pena Weste, Gattaran sa Cagayan Porovince at ang pagpatay din kay Fr. Marcelito Paez sa Jaen, Nueva Ecija nitong Disyembre 4 ng nakaraang taon.