Abante Tonite Interactive

Task force pinakilos sa inambus na pulis-QC

302

Tiniyak ni Quezon City Police District (QCPD) director PBGEN Joselito Esquivel na hindi sila titigil sa pagtugis sa mga suspek na sangkot sa pagpatay sa isang pulis na naka­talaga sa Anonas Police Station 9 noong Sabado nang gabi.

Bumuo na si Esquivel ng Special Investigation Task Group na siyang tututok sa kaso ng pagpatay kay P/MSgt. Anthony Lacson, 40-anyos.

Batay sa report ni P/Lt. Nick S. Fontanilla ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, dakong alas-sais nang gabi noong Sabado nang pagbabarilin ng riding-in-tandem si Lacson.

Kalalabas lang umano ni Lacson sa kanyang trabaho bilang desk officer ng Anonas Police Station 9 at habang sakay ng motorsiklo ay hinabol ito at niratrat ng mga suspek na sakay din ng motorsiklo pagsapit sa Anonas Road corner Pajo St., Brgy. Quirino 2A, Project 2.

Sumemplang ang motorsiklo ng biktima at nilapitan pa ito ng mga suspek at malapitang binaril bago nagsitakas.

Isinugod sa Quirino Memorial Medical Center si Lacson pero hindi na ito umabot ng buhay.

Blangko pa ang pulisya sa motibo ng pamamaslang.

“Hindi kami titigil sa pagtugis ng salarin. Umaasa tayo na makikilala agad ang (mga) suspect at mahuli sa lalong madaling panahon,” pahayag ni Esquivel kahapon.

Nanawagan din ito sa publiko at sa mga nakasaksi sa pamamaril na makipagtulungan sa pulisya para malutas ang kaso. (Dolly ­Cabreza)