Abante Tonite Interactive

Tata Usteng: Sandigan ng Kabitenyo laban sa COVID-19

1,006

Hindi pangkaraniwan ang hinaharap ng buong mundo dahil sa patuloy na pagkalat ng COVID-19.

Itinuturing nang pandemic ng World Health Organization (WHO) ang naturang sakit. Sa Cavite, dalawa na ang nagpositibo sa COVID19 at kabi-kabilang bayan na rin ang nag-lockdown upang makontrol ang pagkalat nito.

Dahil wala pang gamot o bakuna para labanan ang nakamamatay na sakit, sa dasal kumakapit ang mga Pilipino. Himala naman ang hiling ng karamihan sa atin upang mapuksa ang nasabing virus.

Kaya nito lang linggo ay muling ipinarada ang orihinal na imahen ni Tata Usteng, ang mapaghimalang Patron ng bayan ng Tanza sa buong lalawigan ng Cavite upang humingi ng panalangin at gabay, sa pag-asang malampasan ang kasalukuyang kalamidad.

Hulyo 1995 nang huling inikot ang orihinal na imahen ni Tata Usteng nang siya’y nagdiwang ng ika-dalawang daang anibersaryo ng kanyang pagkakatagpo. Kaya naman, isang malaking pangyayari na muling ipinarada sa buong probinsya ang 225-yearold na imahen ng patron.

Hiling ng mga deboto – kaligtasan hindi lang ng probinsya ng Cavite kundi ng buong bansa laban sa COVID-19. Idinaan si Tata Usteng sa mga simbahan sa Cavite at sabay-sabay na nagdasal ng Oratio Imperata.

Noong kasagsagan ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal, dinala rin ang imahen ni Tata Usteng sa Tagaytay.

Sa hindi inaasahang pangyayari, ibinaba ng Phivolcs sa Alert Level 3 ang estado ng bulkan kinabukasan.

Samantala, inilunsad din ng Diocesan Shrine of Saint Augustine ang hand-washing technique with soap and water ‘The Tata Usteng Devotee Way’.

Dito, isinabay ang tamang paghuhugas ng kamay sa awiting “Agustin, Aming Patnubay” ng Himig Agustino.

Ang sa akin lang, manahan nawa sa puso at isip ng bawat isa ang kapanatagan ng loob sa kabila ng krisis na ito. Huwag kalimutang magdasal. Wala tayong ibang malalapitan sa oras ng pangamba kundi ang nagiisang Lumikha.