Abante Tonite Interactive

Tatay kalaboso sa binulsang bumbilya

459

Kulungan ang bagsak ng isang 40-anyos na tatay matapos magnakaw ng LED rechargeable bulb sa isang grocery store sa Marikina City, Biyernes ng gabi.

Sa nakalap na report sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nakilala ang suspek na si Gerald Vescondeuj, 40, taga-Gravel Pit, Brgy. Ginayang, San Mateo Rizal.

Inaresto ang suspek bandang alas-6:30 Biyernes ng gabi matapos magsampa ng kasong theft si Angelita Macalet 43, lady guard ng hypermarket sa Brgy. Sto. Niño, Marikina City sa Marikina Police.

Ayon sa report, napansin ni Macalet ang kahina-hinalang kilos ng suspek kaya sinundan niya ito ng tingin hanggang sa maaktuhang inilagay sa bulsa ang isang LED bulb.

Papalabas na ito ng grocery nang kapkapan at mabisto ang inumit na LED Rechargeable Emergency Light Bulb na nagkakahalagang P329.00.
Nang walang maipakitang resibo, dinala ang suspek sa Marikina Police para kasuhan. (Vick Aquino)