Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tatay na-wow mali, anak patay

0 931

Patay ang isang 21-anyos na binata nang mabaril ito sa ulo ng kanyang lasing na tatay matapos mapagkamalang magnanakaw sa binabantayang fishpond, Lunes ng hapon sa bayan ng Tinambac, Camarines Sur.

Sinubukan pang isugod sa Tinambac Infirmary Hospital ang biktimang si Vrenz Rosquites, 21, estudyante, subalit idineklara na rin itong dead on arrival ng sumuring doktor dahil sa isang tama ng bala sa ulo.

Naaresto naman ng rumespondeng kagawad ng pulisya ang suspek na si Benjamin Rosquites, 50, tatay ng biktima, kapwa residente ng Zone 7, Barangay Bagacay ng nabatid na bayan.

Sa ulat, naganap ang insidente alas-3:00 ng hapon sa palaisdaang binabantayan ng pamilya.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Nabatid na lasing ang suspek at bitbit ang maikling kalibre ng baril ay nagtungo ito sa binabantayang palaisdaan at maabutan doon ang isang lalaki.

Dahil sa kalasingan ay hindi nito nakilala ang anak at inaakala itong isa sa mga nagnanakaw ng isda kaya agad niya itong binaril sa ulo.

Huli na nang malaman nitong anak niya ang kanyang nabaril kaya agad itong humingi ng tulong sa mga kasama sa bahay upang madala ang biktima sa ospital subalit hindi na rin naisalba pa ang buhay nito.

Sa ngayon ay nakakulong na ang suspek sa Tinambac Municipal Police Station (MPS) habang inihahanda ang kaukulang kaso laban dito. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.