Abante Tonite Interactive

Tatlong destinasyon ng mga kaluluwa

430
Araw ng mga Patay o Araw ng mga Kalu­luwa. Karaniwang ito ay ginaganap sa atin ­tuwing unang araw ng Nobyembre.
May pag­lilinaw na ang November 1 ay Araw ng mga Santo at ang ikalawang araw ng Nobyembre ang siya talagang Araw ng mga Patay o ng mga kaluluwa. Subalit nakasanayan na natin ang pagbisita tuwing unang araw ng Nobyembre sa sementeryo kung saan nakahimlay ang mga mahal natin sa buhay na namayapa na. Ginagawa natin ito at isineselebra bilang paggunita sa kanila. Kasabay ng ating pag-alala sa kanila noong nabubuhay pa ay naiisip din ­natin kung nasaan na nga ba sila ngayon? Saan nagtungo ang kanilang kaluluwa?
May ibang naniniwala na narito lang din sila sa paligid at nakabantay sa atin. Ang mga Katoliko ay naniniwala na ang mga kaluluwa ay may tatlong destinasyon.
Langit. Sinasabing dito tumutungo ang mga kaluluwang namuhay sa kabutihan noong sila ay nasa lupa pa lamang. Nagmahal nang lubos sa kapwa at may takot sa Diyos. Sila ang mga kaluluwang may malinis na puso at hindi nabuhay para sa sarili lamang.
Matapos ang kanilang kuwarenta diyas, sila ay pinapayagan nang umakyat sa langit kung saan makakasama na nila ang Diyos.
Impiyerno. Ito naman ang destinasyon na hindi gugustuhing puntahan ninuman. Suba­lit pinaniniwalaang dito inihuhulog ang mga kalu­luwang walang ginawang buti sa lupa. Sila ang mga kaluluwang walang inisip kundi ang sarili nilang kaligayahan, walang pakialam sa kapwa at walang takot sa Diyos. Sila ang mga tinaguriang demonyo sa lupa na mga kampon ni Satanas. Kung ang kanilang kaluluwa ay nalunod na sa dagat ng apoy, maliligtas pa ba sila?
May paniniwalang posible pa rin silang makaak­yat sa langit kung buong puso nilang pagsisisihan ang kanilang mga nagawang kasamaan at marami ang mananalangin para sa kanilang kaluluwa. Subalit kung sila ay makasalanan, sino nga ba ang mananalangin para sa kanilang kaluluwa maliban kung may taong nagmamahal at nakaaalala pa sa kanila?
Porgatoryo. Dito naman patutungo ang mga kaluluwang nanimbang sa kabutihan at kasamaan. Ito ang mga kaluluwang puno ng pag-aalinlangan sa kanilang puso at la­ging walang katiyakan sa kanilang puso’t isipan. Kung minsan ay nasa panig ng kabutihan at kung minsan naman ay nasa panig ng kasamaan. Maililigtas lamang ang kanilang mga kaluluwa kung marami ang magdarasal para sa kanila.