Abante Tonite Interactive

Tatlong Uri ng Soul Mates

By
241

Naniniwala ka ba na ang lahat ng tao ay may soul mate? Kung naniniwala ka dito, natagpuan mo na ba ang sa’yo?

Pero ano nga ba ang soul mate? Ito yung tao na may malalim na koneksyon sa puso at isip mo.

‘Yung may malaking gagampanan sa buhay mo, nasa malapit man siya o nasa malayo. May 3 uri ang soul mates at iyan ang aalamin natin kung anu-ano nga ba ito.

Romantiko. Ito yung tipo ng soulmate na nagbigay ng malaking aral sa buhay mo.

Halimbawa ay isang romantikong pag-ibig na sobra-sobra kang pinasaya at super duper ang naging lalim ng koneksyon nyo sa isa’t isa but at the end of the day ay hindi pala kayo.

Dahil ang uri ng soul mate na ito ay may mala­king bahaging gagampa­nan sa buhay mo o ginampanan sa buhay mo at iyon ay ang matuto ka. Matuto ka mula sa pagkakamali at bumangon mula sa mga pagkakamaling iyon.

Hindi importante kung kayo ay nagkatuluyan o hindi, ang importante ay nagampanan niya kung ano ang dapat lang niyang gampanan sa buhay mo.

Hanggang doon lang siya at wala kang magagawa.

Tamang tao. “Timing is everything” Ito naman ang nais patunayan ng tamang tao na maaari mong ituring na soul mate.

Dahil ang kanyang pagda­ting sa buhay mo ay hindi maaga at hindi rin huli kundi sakto lang.

Kung kailan ikaw ay nalulungkot, kung kailan handa ka ng sumuko, kung kailan inakala mo na wala ka ng pag-asa.

Ang soul mate na ito ang siyang magiging ga­bay mo at aakay sa’yo sa liwanag hanggang sa ma­ging handa ka na.

Tatanggap sa buo mong pagkatao at magpapalabas ng iyong mga natatagong kakayahan. Napakaganda ng gagampanan niya sa buhay mo na maaaring magtagal ng higit pa sa inaa­sahan mo.

Kaibigan. Maari din nating ituring na soul mate ang ating kaibigan o yung tinatawag na platonic friend. Isang kaibigan na buong puso na­ting naibabahagi ang ating mga saloobin at maging ang mga pinakaiingatang sikreto.

‘Yung pakiramdam mo ay hinding hindi niya magagawa na traydorin ka at iwan ka sa ere na mag-isa. Ito yung uri ng kaibigan na kahit pa magkalayo kayo at hindi nagkita ng matagal, sa muli ninyong pagkikita ay pupulutin niyo lahat ang mga karanasan na pinagdaanan niyo at ibabahagi sa isa’t isa.

Ang kaibigang ito ay maaaring kapwa mo babae o isang lalaki pero walang romansa sa pagitan ninyong dalawa at siyempre pa walang sex na ganap!

Kundi purong pagkakaibigan na kahit hindi kayo magsalita ay naiintindihan at nauunawaan ninyo ng lubos ang isa’t isa.

Kung ang isa sa mga uri ng soul mates na ito ay nasa inyong buhay na ngayon, natagpuan niyo na ang inyong soul mate.