Abante Tonite Interactive

Taxi driver hinoldap, pinaluwa ang bituka

0 417

Mistulang baboy na kinatay ang isang driver makaraang matagpuan ito na tadtad ng saksak at wala ng buhay sa loob ng kanyang minamanehong taxi sa Caloocan City kahapon nang umaga.

Nakilala sa pamamagitan ng drivers license ang biktima na si Pablo Damot Jr., naninirahan sa Bocaue, Bulacan.

Nagtamo ito ng mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan at sa tiyan, kaya labas ang bituka nito.

Base sa ulat, bandang alas-sais nang umaga, nakita ng ilang residente ang putting Arci taxi Cab, may plate number WA-3294 na nakaparada sa may Dagat-Dagatan Avenue, Brgy. 8, Caloocan City.

Nakita nila ang biktima na nakahiga sa driver’s seat na duguan at walang malay.

Kaagad na ipinagbigay-alam sa mga awtoridad ang nadiskubre kung saan mabilis namang rumesponde at natiyak na patay na ang driver.

Hinala ng pulisya, hinoldap ng kanyang pasahero si Damot dahil wala ang kanyang kinita at cellphone. Posible ring nanlaban ito kaya pinatay.

Sinisilip pa ng mga imbestigador kung nahagip sa closed circuit television camera (CCTV) ang salarin. (Orlan Linde)