Abante Tonite Interactive

Taxi driver naaktuhang nagsa-shabu sa pinapasada

By
0 146

Huli sa aktong bumabatak umano ng bawal na gamot ang isang taxi driver sa loob ng minamanehong taxi kahapon sa Makati City.

Kinilala ni Senior Supt. Rogelio Simon, hepe ng Makati City Police ang nadakip na si Jovy Ingalla y Sarabia, 57, naninirahan sa no. 148 Molave St., Project 3, Quezon City.

Nabawi sa pag-iingat ng suspek ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu, 5 maliit na aluminum foil, isang Toyota Vios na may markang ENVIROCAB at plakang AAJ-6377.

Sa ulat ng Makati City Police, alas-10:20 ng umaga nang madakip ang suspek sa Apolinario St., kanto ng EDSA Brgy. Bangkal habang nagpapatrulya ang mga tauhan ng Police Community Precinct 4 na kinabibilangan nina PO1 Aaron Lorenzo Casauay at Dalton Bacbao nang matiyempuhan si Ingalla na gumagamit ng droga sa loob ng pinapasadang taxi.

Agad na inaresto si Ingalla na hindi na nakapalag matapos maaktuhang gumagamit ng shabu.