Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Taytay garment industry makakabawi na

0 33

Kumpiyansa ang lokal na pamahalaan na sisipang muli ang kanilang pangunahing kabuhayan sa pag-arangkada ng P400-bilyong Circumferential Road-6 na magdurugtong sa mga lalawigan sa hilaga at timog ng kalakhang Maynila.

Sa isang pahayag, buo ang paniwala ni Taytay Mayor Joric Gacula na kabilang ang kanilang bayan – partikular ang garments industry ng Taytay, sa lubos na makikinabang sa muling pagsisimula ng construction works ng 34-kilometrong elevated expressway na magiging alternatibong daang magbibigay luwag sa mga motoristang mula at patungo sa mga lalawigan ng Cavite, Bulacan, Metro Manila at Rizal kunsaan daraan ang naturang imprastraktura.

Aniya, bukod sa maiiwasan ang dati-rating tatlong oras na biyahe mula at patungo sa Taguig at Batasan Complex sa Quezon City, ang C-6 Expressway din aniya ay siyang magiging susi upang maiparating ng mga mananahi sa higit pang malawak na merkado ang kanilang mura subalit dekalidad na pananamit.

“Pwede na kaming makasabay laban sa mga branded at mamahaling kasuotan mula sa ibang bansa dahil hindi na magiging mahirap ang pagdadala ng mga ito sa merkado” ani Gacula kasabay ng pagpapahayag ng suporta sa industriyang dahilan kung bakit tinaguriang Garments Capital of the Philippines ang kanilang lokalidad.

Inaasahan din ng alkalde na lalo pang mapapsigla ng naturang imprastraktura ang kanilang kabuhayan lalo pa aniya’t maraming treabaho ang malilikha sa pagpasok ng mga negosyong ang hanap at accessibility ng isang host LGU.

Pansamantalang natengga ang construction ng C-6 Expressway nitong nakaraang taon dahil na din sa banta ng pandemya.

Sa ilalim ng local zoning plan ng Taytay, direktang madadaanan ng six-lane elevated expressway ang kanilang industrial zone.

Bukod sa Taytay, babagtasin din ng C-6 elevated expressway ang Antipolo at San Mateo na kapwa matatagpuan din sa lalawigan ng Rizal.

Una nang nakipagpulong si dating Rizal Gob. Casimiro Ynares Jr., kina Executive Secretary Salvador Medialdea at Senador Bong Go kaugnay ng balik-paggawa para sa naturang protekto.

Bagamat unti-unti nang sumisigla ang industriya sa paggawa ng mga kasuotan, malaking tulong umano ang imprastraktura upang muling maging competitive muli ang garments industry sa kanilang bayan.

“Lubos kaming nalulugod dahil saw akas ay matutuloy na ang paggawa ng C-6 elevated expressway lalo pa’t higit naming kailangan ang mga imprastraturang tulad nito para sa muling pagbangon mula sa kinasadlakan ng maraming bayan dahil sa pagkakahimpil ng ekonomiya bunsod ng pandemya. Lubos din kaming nagpapasalamat kina Gob. Ito Ynares na siyang naging daan upang matuloy na ang matagal na panahon naming pinakahihintay na proyekto,” ani Gacula.

Leave A Reply

Your email address will not be published.