Abante Tonite Interactive

Teacher patay sa dengue; school nabulabog sa pagkalat ng sakit

336

Patay ang isang high school teacher matapos siyang dapuan ng sakit na dengue noong Miyerkoles sa Barangay Pantay, Tamurong, Caoayan, Ilocos Sur.

Kinilala ang biktima na si Renante A. Alcain, 49, math high school teacher, ng nasabing barangay.

Batay sa report, ayon sa asawa ng biktima na si Nora Alcain, noong Linggo (Agosto 11) nakaranas ng lagnat ang biktima ngunit inakalang ordinaryong sakit lang ito.

“Ang alam namin ordinar­yong lagnat lang ito,” ani Nora kaya idinaan lang sa gamot ng biktima ang kanyang sakit.

Ngunit noong madaling-araw ng Miyerkoles, nakaranas na umano ng pananakit ng tiyan ang biktima kaya isinugod ito sa pagamutan.

Sinabi ng misis ng biktima na bandang alas-3:30 nang hapon ng nasabi ring petsa pumanaw si Renante.

Ayon sa mga medical expert ng ospital, naging positibo ang resulta ng biktima sa sakit na dengue na siya nitong ikinamatay.

Dahil dito, naalarma na rin ang P. Tamurong Elementary School sa posibleng pagkalat ng nasabing sakit. (Allan ­Bergonia)