Abante Tonite Interactive

Team Pilipinas, ipagdasal natin!

By
0 541

MULA ngayong Huwebes, September 13 at sa September 17, sasabak na naman ang ating pambansang koponan ng basketball, ang Gilas basketball team.

Ito ay bahagi ng 2nd round ng FIBA qualifying para malaman na kung sino-sino ang makakasali sa 2019 FIBA World Cup na gaganapin sa China sa 2019.

Kontra sa powerhouse team ng Iran, ang laro ay gaganapin sa Tehran, Iran sa September 13.

Ang kailangang paghandaan ng Team Pilipinas, na hahawakan ni Coach Yeng Guiao, ay ang tatlong kamador ng Iran, ang former NBA player na si 7 Ft. 2 H. Haddadi (16 points/9 rebounds average per game), si Kazemi Naeini (na may 7.7 points/7 rebounds) at si Bahrami (12.5 points/3 rebounds average bawat laro).

Sa September 17 naman, makakalaban ng Team Pilipinas ang Qatar at ito’y gaganapin sa bansa sa isang “closed-door” na laro. Ang ibig lang sabihin nito, walang fans ang makakapasok at makakanood sa arena.

Ito ay kasama sa desisyon ng FIBA na parusa sa Team Pilipinas dahil sa rambulan na nangyari noong Hulyo noong naglaban ang Australia at Pilipinas kung saan nasuspende ang karamihan ng mga manlalaro ng koponang Pilipinas.

Ang tatlong koponan na may pinakamagandang standing sa dalawang naiiwang grupo ay makakapasok sa 2019 FIBA World Cup.

Isasama din sa World Cup ang pinakamagandang win-loss record na 4th place, kaya ang suma-total, 7 koponan galing sa FIBA Asia ang makakasali sa FIBA World Cup. Ipagdasal natin ang Team Pilipinas para makapasok tayo sa torneo.

Mula September 14-16, 2018 magkakaroon ng Manila International Book Fair na gaganapin sa SMX Convention Center sa MOA.

Sa mga hindi pa nakakaalam, ang inyong lingkod ay sumulat ng isang libro tungkol sa basketball na ang pamagat ay “The Complete Basketball Training Book”.

Magsasalita ang inyong lingkod sa Sabado, September 15, sa National Bookstore Bazaar tungkol sa libro at kung papaano siya nagawa.

Ito ay gaganapin mula alas-12 ng tanghali hanggang ala-una ng hapon.

Ito ay masusundan ng “book signing” para sa mga bibili ng libro. Sa mga bibili ng libro, puwede silang manalo ng isa sa 20 basketball at 30 reversible jersey.

Sana makapunta kayong lahat sa SMX Convention Center.