Abante Tonite Interactive

Team Pilipinas nanlamig sa Kazakhstan

226

Bukod sa kakulangan sa ensayo dahil sa mahabang layover, may isa pang problemang kinaharap ang Team Pilipinas sa pagsabak kontra Kazakhstan para sa tsansang makalusot sa 2019 FIBA World Cup.

Sa pagdating ng delegasyon sa Astana, binulaga sila ng todong lamig na klima na ayon sa website na Accuweather ay naglalaro mula -7 Celsius hanggang -16 Celsius sa gabi.

Sa Instagram story ng Ginebra forward na si Paul Japeth Aguilar, kanyang ibinahagi ang katayuan sa labas ng Republican Velodrome Saryarka, ang stadium na kanilang pag­lalaruan.

Kita kung papaano nabalot ng niyebe ang labas ng venue at rinig ang panginginig sa boses ni Japeth dahil sa tindi ng lamig.

Kasama niya sa labas ng stadium ang kakampi sa Ginebra na si Earl Scottie Thompson, Magnolia guard Paul Lee, TNT sharpshooter Roger Pogoy at Rain or Shine center Raymond Almazan.

Tila mga batang naglaro sa snow ang lima na hinagis-hagis ang yelo sa kapaligiran bago muling bumalik sa kanilang tinutuluyan.

Bawat madaanan namang kalsada ay natatapalan din ng snow, dahilan para balutin ng mga manlalaro ang kanilang sarili ng jacket bilang panlaban sa lamig.

Habang isinusulat ito ay nagtutuos pa ang Pilipinas ang Kazakhstan para sa must win game kung saan posibleng magbigay ng slot sa Nationals sa 2019 FIBA World Cup tournament proper sa China sa Agosto.