Abante Tonite Interactive

Team Sibol wala pang SEA Games lineup

232

Isa ang electronic sports o eSports sa natitirang national sports association (NSA) na nananatiling wala pang lineup na ikakasa sa 30th Southeast Asian Games 2019 sa bansa sa darating na Nobyembre 30-Disyembre 11.

Maliban sa athletics na inaasahang ipapasa ang kanilang opisyal na listahan sa deadline sa Setyembre 30, ‘di rin maihayag ng Philippine Southeast Asian Games Esports Union (PSEU) ang bubuo sa komposisyon ng koponan.

Inihayag ni Albin Juban, na namumuno sa tinalaga ng Philippine Olympic Committee sa pagbuo ng Team Sibol, na nakatakdang ihayag ang lineup sa nakaraang Biyernes.

Nakausap ng inyong lingkod si Juban para mahingi ang listahan ng national esports team. Pero wala siyang naibigay o maihayag na mga pangalan pa kahit nabuo na ang Sibol, na nag-imbita ng mga manlalaro para sa katatapos na qualifying tournament.

Sumali ang Team Liyab sa National Combine kung saan nagkaharap-harap ang mga pinakamagagaling na mga player sa loob ng tatlong araw. Pero ‘di pa matukoy ng PSEU ang mga isasagupa sa anim na game title sa 11-nation, 12-day biennial sportsfest.

Umaasa si Juban na sa kabila ng kabagalan nilang aksiyon, na mawawalis pa rin ng mga Pinoy ang anim na gold medal.