Abante Tonite Interactive

Team Takayama: Power Couple ng Poker

By
0 65

Maliit lang ang mundo ng poker kaya naman hindi maiwasan na may mamuong relasyon sa mga professional player sa isport na ito.

Madalas na merong tournament kaya madalas magkita-kita ang mga professional player at sa mga sikat na hotel pa lagi ang venue kaya napaka-convenient for romance.

Maraming malala­king pangalan sa poker na hanggang ngayon ay magkakapartner pa rin. Pero hindi para sa kanila ang kolum na ito.

Ito ay tungkol sa power couple ng poker sa Pilipinas – ang reigning Asia Player of the Year (APOY) na si Mike Takayama at ang kabiyak na si Grace.

Noong nakaraang linggo ay nagtapos na pangatlo si Mike sa main event ng Ronald V. Singson (RVS) Cup Philippine Poker Championship na ginanap sa Metro Card Club sa Ortigas.

Pero hindi masyadong nabigyang pansin na nakasama niya sa final table si Grace na nagtapos na ikapito.
Ayon kay Mike, maraming beses na niyang nakasama sa final table ang ina ng kanyang limang taon na anak na si Akio Michael at nagkampeon pa nga ito sa tournament noong Araw ng Davao.

May kasabihan na “behind every great man, there’s a great woman” at swak na swak ito kina Mike at Grace. Isa si Mike sa most decorated Filipino poker players of all-time.

Siya ang unang Pinoy na nanalo ng prestihiyosong World Series of Poker (WSOP) bracelet sa Las Vegas, Nevada.
Limang taon na rin silang kasal at sa panahong iyon ay tuloy-tuloy ang pagbulusok paitaas ng poker career ni Mike.
Ngayon ay alam na natin ang sikreto kung bakit ganoon kagaling sa poker si Mike.

Kasama niya kasi palagi ang secret weapon niya sa mga malalaking tournament.