Abante Tonite Interactive

Teenager na runner ng droga nadakma

285

Nagwakas na ang masasayang araw ng apat na drug pusher na umano’y ginagawang delivery boy ng iligal na droga ang isang 16-anyos na binatilyo matapos silang madakip sa isinagawang buy-bust operation sa Valenzuela City, Martes nang umaga.

Sa nakarating na report kay P/Col. Carlito M. Gaces, hepe ng Valenzuela Police, kinilala ang nasakoteng suspek na sina Almario Borja alyas ‘Amang’, 37, binata; Jordan Fejer, 32; Raymark De Jesus, 27 at Michael Yerez, 40.

Dahil minor, dineretso sa holding area ng City Social Welfare and Development (CSWDO) ang binatilyo na itinago sa pangalang ‘Rolly’, na umano’y runner ng grupo sa pag-iskor at pagbebenta ng shabu.

Ayon kay P/Capt. Segundino Bulan Jr., head ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), alas-12:45 nang hatinggabi, nagsagawa ang grupo ng buy-bust operation sa F. Bautista St., Barangay Marulas, Valenzuela City.

Napag-alaman na nasa drug watchlist ng SDEU sina Borja at Fejer dahil sa pagtutulak ng shabu sa kanilang lugar.

Si PCPL Ronald Padlan ang nagkunwaring iiskor ng shabu sa dalawang suspek ng halagang P200 kasama sina De Jesus, Yerez pati na ang binatilyong runner.

Matapos iabot ng dalawang nasa watchlist kay CPL Padlan ang shabu, dito na sila inaresto. (Orlan Linde)