Abante Tonite Interactive

Teenager nag-swimming sa DMCI-Magnolia, nakuryente

By
0 2,489

Nagwakas sa trahedya ang masayang swimming ng pitong magkakaibigan makaraang makur­yente at mamatay ang isa nilang kasamahan habang naliligo sa pool ng isang condominium sa Quezon City nitong Huwebes ng gabi.

Kinilala ni Supt. Rodelio Marcelo, hepe ng Cri­minal Investigation and Detection Unit, ang nasawi na si Joseph Manuzon Rivera, 17-anyos, at residente ng Babuyan Alley, No. 13 F. Gen. Ave­nue, Brgy. Bahay Toro, Quezon City.

Sa inisyal na imbes­tigasyon ni PO3 Julius Cesar Balbuena, nangyari ang insidente dakong alas-10:25 ng gabi sa swimming pool area ng Magnolia Place na matatagpuan sa Tandang Sora Ave., Brgy. Talipapa.

Batay sa pahayag ni Jan Jedson Umali, isa sa mga kasamang naliligo sa swimming pool ng biktima, umahon na siya kasunod si Rivera subalit nadulas ito sa hagdanan ng pool at napahawak sa mga nakakabit na ilaw sa hardin.

Dahil dito ay bigla na lamang kumislap ang kuryenteng nahawakan ni Rivera at nakita niyang nangingisay na ito.

Tutulungan umano sana niya ito at hahatakin pero natakot siya na baka makuryente rin kaya hu­mingi na lang ng saklolo sa pool attendant na agad namang inalis ang pagkakasaksak ng kuryente sa hardin.

Agad na iniahon ang biktima at isinugod sa RLCT Mother and Child Hospital pero binawian din ito ng buhay.

Nabatid na ang Magnolia Place ay pag-aari ng DMCI na ang presidente ay si Isidro Consunji.