Abante Tonite Interactive

Telekinesis puwede bang matutunan?

0 488

Mga ka-Misteryo, sa panahong ito na usong-uso ang mga gadget at ma­kabagong teknolohiya, may mga interesado pa rin pala sa tinatawag na ‘psychic powers’ o kapangyarihan ng isip.

Alam naman natin sa ngayon lalo na ang mga kabataan ay nakasubsob ang atensyon sa pag-aaral at sa ambisyon sa buhay, habang ang mga propes­yunal ay nakatuon ang atensyon sa kanilang trabaho dahil sa dami ng mga dapat bayaran lalo na sa pagpapaaral sa kanilang mga anak.

Nasorpresa ako nang big­la ako lapitan ni Charles Dominguez, mag-aaral ng Centro Escolar University at nagtanong kung totoo ba ang telekinesis, telepathy, remote viewing at iba pang abilidad na ang gamit ay isipan.

Ang agarang tugon ko sa kanya, kung gugustuhin niya at talagang seryoso siya ay maaari niya itong matutuhan bagaman kailangan niyang dumaan sa tamang pagsasanay ng isip – karaniwang rekomendasyon ko ay meditasyon.

Sabay biro ko sa kanya na magdala siya ng makapal na kutsara para masubok niya ang ‘spoon bending’ na isang uri ng telekinesis na maaaring magawa ng sinuman.

Naalala ko nu’ng du­malo ako sa workshop ni Prof. Jaime Licauco, nagduda pa ko nun kung kaya ko bang baluktutin ang makapal na kutsara na ang gamit ay hinliliit na daliri lamang.

Kung bakit hinliliit ang kailangang gamitin dahil ito ang may pinakamahinang puwersa na magagamit ng sinuman at dito ka makukumbinsi na gumana nga ang kapangyarihan ng isip.

Ang bantog na spoon bender hanggang sa panahong ito ay ang Israeli artist na si Uri Geller, na hindi na kailangang gumamit ng hinliliit para baluktutin ang kutsara kundi mismong lakas ng isipan niya ang ginagamit.

Bukod sa telekinesis, interesado din si Charles sa remote viewing at levitation, na ang ta­nging payo ko sa kanya ay maaaring matutuhan ng sinuman ngunit kaila­ngan ng pagsasanay.

Sabi nga ng pamosong Theoretical Physicist na si Albert Einstein, “Imagination is more important (powerful) than know­ledge” dahil ang know­ledge o dunong ay limitado lamang sa alam natin at naiintindihan, habang ang imahinasyon gamit ang ating isipan ay nakatuon sa hindi pa natin alam at kailangang matutuhan sa ating buhay.

Sa isang simpleng paliwanag, ang utak natin ay limitado lamang sa kung ano ang napag-aralan bagaman ang isip natin ay kayang saklawin ang lahat ng karunungan at tunay na misyon ng ating buhay sa mundong ito – espiritwal man o pisikal.

Hanggang sa muli mga ka-Misteryo.