Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Tengga o biyahe?

0 131

Dalawang buwan na lang mga tropapips at Pasko na. At habang lumalamig ang panahon, mas kumakati naman ang talampakan ng mga nakapag-ipon ng ayuda na maglakwatsa na kahit wala pang bakuna laban sa made in China na COVID-19.

Nitong mga nakalipas na mga araw, napapangiti ang kurimaw nating bungal dahil hindi umaabot sa 2,000 ang mga bagong kaso ng COVID-19 na inaanunsyo ng Department of Health. Sa unang tingin, puwede mo nga namang isipin na kumokonti na nga ba ang hawahan ng virus?

Pero dahil mahilig sa balita ang kurimaw natin, alam niya na baka “artificial” lang ang mababang bilang ng mga naitatalang kaso dahil tumigil ang Philippine Red Cross sa pagproseso ng mga swab sample o specimen ng mga ipina-COVID-19 test.

Itinigil ng PRC ang pagproseso ng mga specimen dahil umabot na sa halos P1 bilyon ang utang ng PhilHealth. Ang PhilHealth kasi ang sumasagot sa ilang COVID test tulad sa mga umuuwing OFW at ilang nasa mega quarantine facility.

Ang PRC naman ang kumukuha at nagpoproseso ng test kaya malaking bilang ng mga posibleng positive at negative ang nawala sa bilangan. Ang masaklap pa nito, naipit ang libu-libong OFWs na nasa mga quarantine facilities at hindi makauwi sa kanilang mga probinsiya habang wala silang COVID test result.

Kaya naman ang kurimaw natin, kahit sinasabi ng ilang opisyal na pababa na ang kaso ng COVID ay hindi pa rin excited na lumabas. Ang kaso, may ilang opisyal naman ang tila naghihikayat na sa mga tao na lumabas na gumala na maging sa ibang lalawigan, tulad sa Boracay.

Ilang lalawigan na rin naman ang nagbubukas na para sa mga lokal na turista para madagdagan ang kita nila mula sa turismo. Kung wala kasing COVID, malamang maraming kababayan natin ang magtatapon ng pera sa pamamasyal sa mga lalawigan at maging sa ibang bansa kasama ang buong pamilya.

Ngunit ang malaking tanong pa rin–safe na ba? Kapag sinukluban mo kaya ng timba ang mukha mo, maligo ka ng alcohol, at ginawa mong pabango ang disinfectant spray, hindi ka na kaya kakapitan ng COVID?

Ang ilang mambabatas, nalilito rin sa kung ano talaga ang magiging patakaran na ngayon ng gobyerno pagdating sa galaw ng mga tao. May panawagan pa rin kasi na bahay muna, buhay muna para abutan nila ang anti-COVID vaccine. Pero mayroon din naghihikayat na bumiyahe na at mamasyal.

Sa pagpasok ng Nobyembre, inaasahan na mas dadami pa ang mga tao sa labas ng bahay dahil pinapayagan na rin ang mga nasa edad 15 hanggang 65 na lumabas. Dadagdagan na rin ang kapasidad sa mga pampublikong sasakyan, kainan at maging sa mga simbahan.

Ngayon pa nga lang, baka may mga magkakatropa na ang nagbabalak mag-reunion sa Disyembre. Pero dahil wala pang linaw kung puwede na ang “mass gathering” at marami ang nagbabawal ng “Christmas party,” dapat hashtag#manyanita ang ilalagay niyo kapag nag-post ng larawan sa social media.

Mas mahaba na rin mga tropapips ang oras na puwedeng itagal ng mga tao sa labas ng bahay o curfew. Iyon nga lang, hindi pa rin mawawala ang pangamba ng ilan at magtanong kung handa na ba tayong magluwag kahit lumalabas na halos dalawang libo pa rin ang arawang nadadagdag sa COVID cases, na partida pa dahil wala ang PRC?

IKaya lang, kung magkukulong ka pa rin sa bahay, baka isipin naman ng iba eh nagpapadala ka masyado sa takot sa COVID at hinahayaan mong madiktahan ng virus ang buhay mo. Pero kung lalabas ka naman at tinamaan ka ng virus, masuwerte ka kung malakas ang resistensiya mo, pero kung hindi–baka butas na ang bulsa mo sa gastos sa ospital, game over pa ang buhay mo. Kaya dapat na mag-isip-isip nang mabuti o mag-ingat nang mabuti. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.